Poster courtesy of IMDb © Universal Pictures |
★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Tom Hanks, Kevin Bacon, Bill Paxton
Genre: Adventure, Drama, History
Runtime: 2 hours, 20 minutes
Director: Ron Howard
Writer: William Broyles Jr., Al Reinert, Jim Lovell (book), Jeffrey Kluger (book)
Production: Universal Pictures, Imagine Entertainment
Country: USA
Isang docudrama na base sa librong "Lost Moon" na nagsasalaysay sa mga pangyayaring naganap sa paglalakbay ng Apollo 13 sa buwan noong 1970. Iikot ang kuwento nito sa paghahanda ng NASA at ng grupo ni Jim Lovell (Tom Hanks), ang Apollo 13 Commander, at kung papaano nila hinarap ang isang hindi inaasahang pangyayari habang nasa kalawakan.
Isang tangke ang aksidenteng sasabog dahilan upang mawalan ng liquid oxygen ang sinasakyan nila Lovell. Dahil dito ay maaantala ang plano nilang pagdaong sa buwan at ang naturang space mission ay mauuwi sa isang mapanganib na pagbabalik sa Earth kung saan nakasalalay ang buhay ng bawat sakay nito.
Sa mga ganitong klase ng pelikula kung saan maraming technical terms na hindi araw-araw na naririnig ng isang simpleng manonood ay mahihirapan kang sumunod sa storyline nito lalo na sa simula ng palabas. Marami ring mga pangalang kailangang ikabisa na bagamat kilala, para isang taong hindi pamilyar ay mahirap sabayan.
Aangat ang pelikula pagdating sa flight off ng Apollo 13 hanggang sa conflict na magaganap sa kalawakan, ngunit para sa akin ay masyado itong mahaba sa puntong hindi na nito mapanghahawakan ang adrenaline at thrill na mararamdaman ng mga manonood sa kabuuan ng eksena. Hihintayin mo na lang itong matapos.
Katulad ng inaasahan ay ang huling parte ang pinakamaganda. Sa kabila ng kaalaman kung papaano magtatapos ang kuwento ng Apollo 13 dahil base ito sa mga tunay na pangyayari ay makakaramdam ka pa rin ng tuwa at saya dahil sa maganda nitong katapusan.
Maayos naman ang naging pag-arte ng mga bida subalit wala akong kakaibang napanood upang maiwan ito sa aking isipan. Ang tumatak ay maganda nitong production value na kung ihahambing sa taon kung kailan ito ginawa ay papasa pa rin sa panahon natin ngayon.
No comments:
Post a Comment