Search a Movie

Monday, December 14, 2020

Scoob! (2020)

5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Frank Welker, Will Forte, Mark Wahlberg
Genre: Animation, Adventure, Comedy, Family
Runtime: 1 hour, 33 minutes

Director: Tony Cervone
Writer: Adam Sztykiel, Jack Donaldson, Derek Elliott, Matt Lieberman, Joe Ruby (series), Ken Spears (series)
Production: Warner Bros., Warner Animation Group, Hanna-Barbera Productions
Country: USA


Walang kaibigan at mailap sa mga tao si Shaggy Rogers (Will Forte) simula bata pa lamang at ang maituturing lang nitong pinaka-unang kaibigan ay isang asong kalye na pinangalanan niyang Scooby-Doo (Frank Welker). Sa kanilang selebrasyon ng Halloween ay makikilala ng dalawa ang grupo nila Fred Jones (Zac Efron), Velma Dinkley (Gina Rodriguez), at Daphne Blake (Amanda Seyfried). Aksidente silang makakalutas ng isang krimen dahilan upang mabuo ang Mystery Inc. na simula noo'y taga-resolba na ng mga misteryong bumabalot sa kanilang lugar.

Sampung taon ang lumipas at isang hindi kilalang nilalang ang gustong dumakip sa magkaibigang sina Shaggy at Scooby sa hindi malamang kadahilanan. Ililigtas sila ng grupo nila Dee Dee Skyes (Kiersey Clemons), Dynomutt (Ken Jeong), at ang superhero na si Blue Falcon (Mark Wahlberg). Magsasama-sama sila ng Mystery Inc. upang lutasin ang misteryong bumabalot sa tatlong bungo ng Cerberus at kung bakit kinakailangan ng super crimininal na si Dick Dastardly (Jason Isaacs) sina Shaggy at Scooby.

Okay naman ang animation pero pansin mo na hindi ito masyadong smooth. Ramdam mo na may kulang lalo na sa mga galaw ng mga karakter, pero kalaunan ay masasanay ka rin naman. Ang hindi ako nasanay ay si Scooby na nagsasalita. Hindi ako fan ng animated series pero pamilyar pa rin naman ako sa mga bida rito lalo na't dumaan rin ako sa henerasyon kung saan sila sumikat.

Nakakatuwa na sinubukan nilang pagsamahin ang dalawang universe para makabuo ng multiverse na siyang nauuso ngayon gayunpaman ay aaminin kong hindi ako pamilyar sa isa pang animated series na isinama sa pelikula kaya doon sa kuwento na lang ako tututok.

Alam kong ginawa ang Scoob! para sa mga bata at ang target audience nito ay malayo na sa aking edad pero sana naman ay ginawa pa rin nilang kapani-paniwala at lohikal ang mga pangyayari kahit na nasa mundo sila ng pantasya at science fiction. Kailan pa nakakapanghack ang pagkonekta lang ng dalawang wires? Ang mga solusyon sa dilema ng mga bida ay ibinigay lang ng walang kahirap-hirap. Hindi ito tulad ng original series na ginagamit nila ang utak, galing at minsa'y swerte para makalutas ng problema.

Masyado ring in your face ang aral tungkol sa kahalagahan ng pagkakaibigan na gusto nilang ipaintindi sa mga manonood sa puntong medyo OA na ang labas nito. Hindi rin nakawala sa akin ang pagkakahalintulad ng mga robot dito na para bang minions ng Despicable Me (2010).

Sa kabilang banda ay nagustuhan ko naman ang ilang pop culture references na isinama sa palabas. Pasado rin para sa akin ang dalang humor nito na siyang kinatuwaan ko sa buong palabas. Sa kabila ng mga negatibong nabanggit, sa totoo lang ay gusto ko pa ulit makita ang mga bida sa isa pang pelikula, pero sana'y sa pagkakataong ito ay mayroon na silang magandang istorya.



Poster courtesy of IMP Awards


No comments:

Post a Comment