Starring: Alden Richards, Julia Montes
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 42 minutes
Director: Irene Emma Villamor
Writer: Irene Emma Villamor
Production: GMA Pictures, Cornerstone Studios, Myriad Entertainment
Country: Philippines
Nagsimula ang lahat sa isang inuman sa Singapore na nauwi sa one-night stand. Ang tagpuang iyon nila Lance Sandoval (Alden Richards) at Justine Ramos (Julia Montes) ay nakabuo ng isang relasyon na hindi inaasahan.
Mula sa isang long-distance relationship hanggang sa paglipat ng tirahan, parehong sinubukan nila Lance at Justine na pagtibayin pa ang kanilang relasyon. Subalit ang kanilang pagkakaiba na sinamahan ng kaniya-kaniya nilang struggles sa buhay ay malaki ang naging epekto nito sa sana'y isang maayos at tahimik nilang pagsasama. Doon na magsisimulang subukin ng tadhana kung gaano ba kalakas ang pag-ibig nila sa isa't isa.
Nasa titulo na ng pelikulang ito kung ano ang magiging takbo ng kuwento ng Five Breakups and a Romance. Isang pag-iibigang dadaan sa iba't ibang klase ng hiwalayan at kung ano ang rason ng mga breakups na ito ay ito ang dapat abangan sa palabas.
Kung ako ang tatanungin, maraming kulang sa pelikula. Para bang tumalun-talon ang bawat tagpo at dumeretso na agad sa mga breakups na siyang focus ng palabas. Dahil dito ay naapektuhan ng malala ang character development ng mga bida. Para sa isang taong marami nang karanasan sa pag-ibig, marahil ay marami ang makaka-relate sa mga pinagdaanan ng mga karakter. Pero kung no boyfriend or girlfriend since birth ka ay hindi mo mafi-feel ang pinanggagalingan ng nila Lance at Justine dahil hindi ipinakita sa narrative ang tamis ng kanilang pagmamahalan kaya hindi mo rin matitikman ang pait ng pagkasira nito.
Para nga lang itong documentary kung saan naka-document lang ang mga naging hiwalayan ng magkasintahan. Wala nang ibang context maliban sa kulang-kulang na exposition. Walang highs and lows ang istorya. Wala itong goal na kailangang abutin, wala itong conflict na kailangang ayusin, walang climax na kailangang abangan. May pagkakataon na habang nanonood ako ay napapatingin ako sa orasan kung gaano na ba katagal ang itinakbo ng palabas dahil parang walang nangyayari. Maraming eksena na puwede namang tanggalin na lang para sana mas mabigyan ng pansin ang background story ng magkasintahan.
Maganda sana ang ideya sa likod ng kuwentong ito kaso nga lang ay hindi ito gaanong na-execute ng maayos. Mabuti na lang at napakagaling ng dalawang bumida rito. Kakaibang Montes ang napanood ko sa palabaas na ito na sinabayan din ng sariling galing ni Richards. Alam mong masakit ang pinagdadaanan ng mga karakter na isinasabuhay nila dahil ipapakita nila mismo ito sa iyo. Mas nagpabigat pa sa pakiramdam ng manonood ang napiling soundtrack ng palabas na sobrang tumugma sa tema nito.
Overall, papasa ito sa mga taong dumaan na sa parehong sitwasyon. Iiyakan ito ng mga manonood na makaka-relate rito pero para sa isang casual viewer, isa lang itong pelikula na okay na bilang pamatay ng oras.
© GMA Pictures, Cornerstone Studios, Myriad Entertainment
No comments:
Post a Comment