★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Greta Lee, Teo Yoo
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 45 minutes
Director: Celine Song
Writer: Celine Song
Production: CJ ENM, Killer Films, 2AM
Country: USA
Childhood friends sila Nora Moon (Greta Lee) at Hae Sung (Teo Yoo) na parehong lumaki sa South Korea. Bata pa lamang sila, alam na nila na gusto nila ang isa't isa. Pero bago pa man sila lumaki ay kinailangang mag-migrate ng pamilya ni Nora sa ibang bansa. 'Yun na ang huli nilang pagkikita.
Lumipas ang mahabang panahon, muli silang nagkaroon ng koneksyon sa pamamagitan ng social media. Ang dating samahan nilang dalawa ay nabuo ulit at ang dating nararamdaman nila para sa isa't isa ay nanumbalik. Subalit ang relasyon na susubukang buuin ng bawat isa ay hahadlangan ng magkaibang kultura na kanilang nakagisnan.
Parang isang broken love letter ang Past Lives, masakit at nakakapanghinayang. Iikot ito sa isang pag-iibigang pinaglayo ng tadhana at muling pinagtagpo kung kailan ay huli na ang lahat. Napakaganda ng chemistry nila Lee at Yoo dahilan kung bakit napakabigat sa loob na panoorin ang palabas na ito.
Straightforward ang mga tagpo rito na para bang hango sa totoong buhay. Wala itong mabigat na plot o anumang fictionalized goals para sa bida. Isa lang itong kuwento ng pag-ibig na nangyayari rin sa totoong buhay at maaring nangyari na rin para sa isang normal na tao. Relatable dahil lahat naman tayo ay umibig, umasa, nasaktan at nagkaroon ng mga maling desisyon sa buhay.
Pure drama ang Past Lives pero manggagaling ang emotion na ito mula sa istorya mismo at hindi sa mga bida. Natural lang ang acting ng mga aktor na nandirito, walang iyakan at kung anumang Oscar-worthy na eksena pero tagos sa puso ang mga tagpo. Hindi ito para sa lahat lalo na kung madali ka lang ma-bore pero kung nais mong manood ng isang palabas patungkol sa pag-ibig na aantig sa iyong puso, irerekomenda ko ito para sa'yo. Kung hanap mo naman ay malaman at maraming kaganapan, mas mabuting manood na lang ng iba.
© CJ ENM, Killer Films, 2AM
No comments:
Post a Comment