Search a Movie

Saturday, December 30, 2023

Anatomy of a Fall (2023)

8 stars of 10
★★★★★★
 ☆☆

Starring: Sandra Hüller, Swann Arlaud, Milo Machado-Graner
Genre: Crime, Drama
Runtime: 2 hours, 31 minutes

Director: Justine Triet
Writer: Justine Triet, Arthur Harari
Production: Les Films Pelléas, Les Films de Pierre
Country: France


Ang Anatomy of a Fall ay isang court room drama na iikot sa kuwento ng isang babaeng manunulat na si Sandra Voyter (Sandra Hüller). Siya ang pangunahing suspek sa biglaang pagkamatay ng kaniyang asawa matapos itong mahulog mula sa attic ng kanilang tahanan. Ang tanging taong saksi sa nangyaring insidente ay walang iba kung hindi ang kaisa-isa nilang anak na si Daniel Maleski (Milo Machado-Graner) na isang bulag.

Kinulang sa intensity ang palabas na ito at iyon ang nagustuhan ko sa palabas. Para bang kalmado lang ang mga nangyayari, walang gaanong dramahan at kung anu-anong exaggerated na pag-arte mula sa mga karakter. Dahil dito ay mas naging makatotohanan ang mga tagpo. Para ka lang nanonood ng documentary na marahil ay boring para sa ibang tao pero exciting para sa pananaw ko. Mas ramdam ko kasi ang tensyon, ang confusion at mas madaling sundan ang flow ng istorya kapag walang gaanong acrobatics ang palabas.

Mula simula hanggang sa katapusan ay nakatago ang misteryo nito sa kung ano ba talaga ang totoong nangyari - murder ba o suicide? At sa kasamaang palad, bukas ang ending na ihahain sa iyo para rito. Nasa sa'yo na lang kung papaano mo tatanggapin ang mga katotohanang narinig at napanood mo, katulad ng ginawa ng mga jury sa pelikula. Kung papanig ka ba sa inilabas na ebidensya at salita ng saksi o bibigyan mo ito ng pagdududa ay naka-base sa personal na pagkakaintindi mo. Ito ang isa sa mga bagay na nagustuhan ko sa palabas. Ipapakita rito ang mapait na katotohanan sa paghahanap ng hustisya. Puwede kasi itong mabali at gawan ng ibang kuwento. Sa huli, walang ibang nakakaalam sa totoong kuwento kundi ang may sala (kung meron man) o ang biktima mismo.

Isang bagay lang ang hindi ko nagustuhan dito sa pelikula at ito ay kung papaano nila itrinato ang courtroom scenes. Hindi ako pamilyar sa kung paano ang sistema sa korte ng mga French pero ang pangit ng pagkakagawa sa mga eksena rito. Walang sense ang ilang ipinaglalaban nila at para bang napakababaw ng pinagdedebatehan ng parehong panig. Parang hindi sila propesyunal sa mga linyahan nila kaya hindi mo tuloy ramdam ang nangyayari. Hindi konkreto ang bawat ebidensya at ginamit lang ito para mailabas ang baho ng pamilya ng bida na mas maganda sana kung nagawa nang mas maayos.

Magaling ang mga bida, simple ang kuwento, satisfying pa rin naman kahit papaano ang naging katapusan nito. Hindi ito mala-detective type na pelikula kung saan ay kailangan mong maghanap ng clues para malutas ang kaso. Wala itong gaanong thrill pero nandoon naman ang mystery at drama, kung ito man ang genre na hinahanap mo ay para sa'yo ang Anatomy of a Fall.


© Les Films Pelléas, Les Films de Pierre

No comments:

Post a Comment