Search a Movie

Thursday, December 7, 2023

The Pope's Exorcist (2023)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Russell Crowe, Daniel Zovatto
Genre: Horror, Thriller
Runtime: 1 hour, 43 minutes

Director: Julius Avery
Writer: Michael Petroni, Evan Spiliotopoulos
Production: Screen Gems, 2.0 Entertainment, Loyola Productions
Country: USA, United Kingdom, Spain


Taong 1987, isang pamilya mula sa Spain ang ginugulo ng isang pambihirang demonyo. Nakuha nito ang atensyon ng Vatican at bilang si Father Gabriele Amorth (Russell Crowe) ang personal exorcist ng Santo Papa ay ipinadala siya sa Espanya upang lutasin ang problemang kinakaharap ngayon ng naturang pamilya. Subalit pagdating ni Father Gabriele sa lugar, malalaman nito na hindi pala ang pamilya ang sadya ng demonyo kundi si Father Gabriele mismo.

Simula pa lang ng pelikula ay mararamdaman mo na ang takot dahil sa magandang visual at musical scoring nito. Walang tapon sa cast dahil bawat isa sa kanila ay nagpakita ng galing pagdating sa pagbibigay ng bawat emosyon na kinakailangan ng kanilang karakter. Madarama mo ang takot, hinagpis maging ang frustration dahil sa kakaibang problema na kinakaharap nila.

Ang ikinaganda ng The Pope's Exorcist ay sinubukan nitong lumayo sa tipikal na pamamaraan ng pananakot sa pelikula. Wala itong masyadong jumpscares dahil ang mararamdaman mong takot sa panonood nito ay natural. Maganda kasi ang pagkakalapat ng kuwento at wala gaanong idinagdag na mga eksena para lang maramdaman mo ang tensyon na gustong iparamdam ng palabas. Lahat ng tagpo ay makabuluhan at masasabi kong wala itong boring moments.

Nagustuhan ko rin sa palabas ang humor ng bida. Hindi siya pa-bida pero hindi rin pa-cool. Seryoso siya na parang hindi. Kumbaga relatable ang pag-uugali niya. Siya 'yung tipo ng bida na kapag nakita mo siya sa screen ay parang safe ka na at mamawala na ang takot na nararamdaman ng puso mo. Sa kaniya naka-focus ang istorya dahil siya naman ang nakalagay sa titulo ng pelikula at okay lang 'yun para sa 'kin dahil sa totoo lang ay nakakasawa nang manood ng exorcism films kung saan ay umiikot ang buong kuwento nito sa family drama at sa mga acrobatics na ginagawa ng taong sinasaniban.

Matatakot ka sa pelikulang ito at kakabahan dahil sa visuals at sa kuwento. Maaaliw ka dahil sa bida at magandang chemistry ng buong cast at makakaramdam ng kaunting drama dahil sa inihandang background stories ng mga karakter. Sa panahon ngayon, mahirap nang makahanap ng nakakatakot na palabas na may magandang istorya pero ito mismo ang ibibigay sa'yo ng The Pope's Exorcist. At kung sakali mang gagawin nila itong franchise ay mai-excite akong panoorin ang susunod pang kuwento ng ating bida.


© Screen Gems, 2.0 Entertainment, Loyola Productions

No comments:

Post a Comment