★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Abby Ryder Fortson, Rachel McAdams
Genre: Drama, Family
Runtime: 1 hour, 46 minutes
Director: Kelly Fremon Craig
Writer: Kelly Fremon Craig, Judy Blume (novel)
Production: Gracie Films
Country: USA
Napakasimple lang ng kuwento ng Are You There God? It's Me, Margaret. Tungkol lang ito sa pagdadalaga ng bidang si Margaret Simon (Abby Ryder Fortson) sa isang bagong lugar kasama ang mga bagong kaibigan at bagong kapaligiran. Kasabay ng paglipat ng kaniyang pamilya sa ibang lugar ay ang pagbabago naman ng kaniyang buhay pagdating sa pisikal na anyo, mental na estado at espiritual na paniniwala.
Nasabi kong simple ang palabas dahil literal na mababaw naman talaga ang storyline nito. Ang goal lang ng bida ay ang magkaroon ng menstrual period at malaking hinaharap - mga tipikal na bagay na ninanais ng mga kabataang nagdadalaga. Pero kung bibigyan natin ito ng mas malalim na kahulugan, napakalalim ng aral na gustong iparating ng pelikula. Masasagasaan nito ang tema ng pamilya, ang pagiging inosente ng mga bata pati na rin ang mga responsibildad ng isang ina. Subalit sa lahat ng ito, mas mangingibabaw ang diskusyon tungkol sa relihyon at kung ano ba talaga ang dulot nito sa isang dose anyos na dalaga.
Maganda na ginawang relatable ang kuwento at sa parehong pagkakataon ay nilapatan ito ng mga isyu mula sa lipunan na hanggang ngayon ay wala pa ring resolusyon. Nakulangan lang ako sa paglalahad nila tungkol sa relihyon dahil napakalawak ng mundong ito para sa usapin tungkol sa Diyos. Kumbaga sinilip lang nila ang topic na ito at hindi na tuluyang pinasok pa para sana magbigay pa ng mas malalim na talakayan. Angkop din naman ito sa palabas dahil nasa perspektibo tayo ng isang bata at sa paglaki nito ay marami pa siyang puwedeng matutunan. Ganoon pa man, nakakabitin kung iisipin na uungkatin mo ang problema sa relihyon kung hindi mo man lang ito bibigyan ng maayos na representasyon.
Maganda ang pelikula kung naghahanap ka ng palabas na makabuluhan. Pero maaari itong maging boring para sa mga taong naghahanap ng aksyon o kakaibang istorya. Wala itong gaanong paandar kahit na magagaling naman ang mga artistang nagsiganapan rito.
© Gracie Films
No comments:
Post a Comment