Search a Movie

Saturday, December 16, 2023

Dear Evan Hansen (2021)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Ben Platt, Kaitlyn Dever
Genre: Drama, Musical
Runtime: 2 hours, 17 minutes

Director: Stephen Chbosky
Writer: Steven Levenson, Benj Pasek (play), Justin Paul (play)
Production: Perfect World Pictures, Marc Platt Productions
Country: USA


Isang senior high school si Evan Hansen (Ben Platt) na mayroong severe social anxiety disorder. Para malampasan ang karamdaman niyang ito, ipinag-utos ng kaniyang therapist na gumawa siya ng sulat para sa kaniyang sarili. Sa kasamaang palad, ang sulat na ito na para lang dapat sa kaniya ay mapupunta sa kamay ng kaniyang school mate na si Connor Murphy (Colton Ryan). Dito na magsisimulang mabago ang takbo ng buhay ni Evan na magsisimula sa isang matinding kasinungalingan.

Base sa isang stageplay, tatalakayin ng Dear Evan Hansen ang isa sa mga karamdamang malimit lang mapag-usapan - ang pagkakaroon ng mental health problem. Hindi ko alam kung papaano ko sisimulan ang review ko para rito. Maganda ang kuwento, napaka-powerful nito pero nagsimula ito sa isang tagpo na kukuwestyunin ang moralidad mo - kung tama ba ang ginagawa ng ating bida. Ipapakita rito na kahit anuman ang pinagdadaanan mo, human nature na talaga ang pagiging sakim at makasarili.

Maganda ang aral na ipinahayag sa palabas na ito. Kasabay nito ay nakapagbigay din sila ng awareness tungkol sa ilang problema na malimit lang mapag-usapan at isa na rito ang iba't ibang anyo ng mental disorders. Ganoon pa man ay maayos namang natapos ang kuwento nito, hindi lang ganoon ka-satisfying para sa akin pero angkop ang naging katapusan nito para sa lesson na nais ituro ng palabas.

Magagaling din ang bawat aktor na nagsiganapan sa pelikula. Hindi na nakapagtataka ang galing ni Platt bilang si Evan Hansen dahil hindi na bago ang karakter sa kaniya. Maayos niyang nabigyan ng mukha ang pagkakaroon ng anxiety. Ang maganda rito ay nakasabay ang buong cast sa galing ng bida lalo na ang mga betaranong sina Amy Adams at Julianne Moore.

Ang naging highlight ng palabas para sa akin ay ang musical numbers nito. Maganda na tumatakbo pa rin ang storyline kahit na musical ang eksena. Hindi sila nakakabagabag dahil angkop naman ito sa bawat tagpo. Isa pa ay napakaganda ng mga kanta. Powerful lahat, uplifting at may recall. Medyo naging underwhelming nga lang ang climax ng palabas dahil nawala ang momentum ng rebelasyon dahil sa sunud-sunod na musical scenes nito. Para kang nababahing na hindi matuloy-tuloy dahil kailangan pang matapos ang kanta. Medyo nawala ang thrill na nararamdaman ko bilang manonood dahil doon. Ganoon pa man, maganda pa rin ang kinalabasan ng pelikula. Mapapatutok ka mula simula hanggang wakas dahil enjoy itong panoorin.


© Perfect World Pictures, Marc Platt Productions

No comments:

Post a Comment