Search a Movie

Monday, December 25, 2023

Firefly (2023)

9 stars of 10
★★★★★★★★★ ☆

Starring: Euwenn Mikaell, Alessandra De Rossi
Genre: Adventure, Drama
Runtime: 1 hour, 43 minutes

Director: Zig Dulay
Writer: Angeli Atienza
Production: GMA Pictures, GMA Public Affairs
Country: Philippines


Hindi ito fantasy kundi isa itong realidad mula sa malawak na imahinasyon ng batang si Tonton (Euwenn Mikaell) na musmos pa lamang ay namulat na sa marahas na mundo. Lagi siyang binubully ng kaniyang mga kaklase at ang tanging kasangga lang niya sa buhay ay ang kaniyang inang si Elay (Alessandra de Rossi) at ang mga kuwento nito tungkol sa mahiwagang isla ng mga alitaptap.

Sa kagustuhan niyang makamit ang kahilingan niyang maging matapang, hahanapin ni Tonton ang naturang isla sa pag-asang ito na ang magiging sagot sa suliraning matagal na niyang pinoproblema.

Isang obra maestra sa makabagong panahon ang Firefly. Ginawa ang palabas na ito para sa mga bata pero kung ako ang tatanungin ay naka-alay ang kuwento nito para sa mga matatanda na dumaan sa kaparehong karanasang tinahak ng batang bida. Isang batang ninakawan ng kamusmusan dahil sa karahasang taglay ng mundong ating kinaroroonan.

Napaksimple lang ng kuwento ng Firefly, isa itong adventure-drama na ang layunin lamang ay mahanap ang isang isla na tila ba sa libro lang makikita pero para sa isang batang tulad ni Tonton, ito ang kaniyang realidad - isang mundo na puno ng misteryo at mahika. Sa kabila ng pagiging simple ng istorya nito ay may taglay itong puso na kukurot sa mga emosyong hindi natin alam ay matagal nang nakatago sa ating dibdib.

Nakakamangha kung papaano nila nabigyan ng dalawang perspektibo ang kuwento ng alitaptap at paruparo. Isang kuwentong makatotohanan at isang kuwentong magical, isang kuwento mula sa mga mata ng matatanda at isang kuwento mula sa isipan ng isang bata. Napakahusay ng pagkakalatag ng mga tagpo mula sa pag-establish ng chemistry ng mga karakter hanggang sa pagbuo ng mga emosyon na kanilang isinasabuhay.

Manghang-mangha ako sa bida nitong si Mikaell na kahit bata pa lamang ay kaya nang makipagsabayan sa mga batikan. Pinakapaborito ko ang eksena niya sa pier kung saan ay tumaas ang balahibo ko dahil sa paghanga ko sa kaniyang pagganap. Nakakatuwa rin na nabigyan ng highlight ang galing niya sa palabas nang hindi sinasapawan ng kapwa niya mga aktor. Ganoon din na mapapapalakpak ka sa husay na ipinakita rito ni De Rossi bilang isang ina na ang nais lamang ay mabigyan ng maayos at tahimik na buhay ang anak.

May isang bagay lang ako na gustong punahin sa palabas at ito ang dahilan kung bakit ko ito hindi binigyan ng perpektong iskor. Nakulangan ako sa character development nila Billy (Miguel Tanfelix) at Erika (Ysabel Ortega). Nasimulan nila nang maayos ang kuwento ng dalawang karakter na ito pero kalaunan ay hindi na ito nasundan pa. Binanggit lang ng isang beses kung ano ang background ng karakter nila sa pelikula at pagkatapos nito ay hindi na ito sinuri pa nang malaliman. Nakakalungkot nga dahil maganda sanang i-connect ang pinagdadaanan nilang dalawa sa pinagdadaanan ng bida para mabigyang emphasis na ang bawat isa sa atin ay isang alitaptap at isang paruparo. Alam kong wala sa kanila ang focus ng istorya pero alam ko rin na may dahilan kung bakit sila kasama sa kuwento ng bida, 'yun nga lang ay hindi nila ito nagamit nang maayos.

Overall, isa ang Firefly sa mga pelikulang may sense, may aral, may kirot, may puso. Hindi masasayang ang oras mo sa panonood nito dahil bukod sa magandang kuwento ay mayroon din itong magandang cinematography. Ang bawat eksena rito ay parang hango sa isang aesthetic Instagram feed na pasok sa panlasa ng mga makabagong henerasyon. Bukod rito ay ipinamalas din sa palabas ang ganda ng Pilipinas dahil nabigyan ng magandang screen time ang mga maipagmamalaking yaman ng ating basa.

Kung mahal mo ang nanay mo, kung mahal mo ang anak mo, kung mahal mo ang pelikulang Pilipino, magugustuhan mo ang palabas na ito.


© GMA Pictures, GMA Public Affairs

No comments:

Post a Comment