Search a Movie

Thursday, December 7, 2023

Marry My Dead Body (2022)

8 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆

Starring: Greg Hsu, Austin Lin
Genre: Comedy, Crime, Drama, Mystery
Runtime: 2 hours, 10 minutes

Director: Cheng Wei-hao
Writer: Cheng Wei-hao, Sharon Wu
Production: Calendar Studios
Country: Taiwan


Isang homophobic na pulis si Wu Ming-han (Greg Hsu) na ang tanging hangad sa buhay ay ang malutas ang kaso ng isang drug syndicate na matagal nang pinaghahanap ng kanilang presinto para makamit na niya ang inaasahan niyang promotion. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, isang red envelope ang aksidente niyang mapupulot na magiging dahilan kung bakit mapipilitan siyang sumailalim sa traditional "ghost marriage." Ang problema, ikakasal siya hindi sa isang babae kundi sa isang lalaki.

Makalat ang naging simula ng pelikula. Parang hindi pa nito alam kung saan ba dapat mag-focus ang palabas; sa personalidad ba ng bida at sa pagiging homophobic nito, o sa tema ng nito patungkol sa ghost marriage, o sa mystery-crime na kuwento patungkol naman sa sindikato, o sa ambisyon ng mga side characters. Masyadong maraming nangyayari sa first half ng pelikula at patalun-talon ito sa bawat sub-plots na binuo para sa buong narrative. Nawawala tuloy 'yung sense of excitement mo sa panonood dahil napuputol agad ito.

Idagdag mo pa rito ng over-the-top na pagpapatawa. Nagustuhan ko naman ang ilang jokes dito pero marami ang pilit o siguro'y masasabi ko na hindi lang talaga akma sa sense of humor ko. Ang naging saving grace ng palabas ay ang team-up nila Greg Hsu at Austin Lin. Maganda ang naging atake nila sa karakter na kanilang isinabuhay. Mabilis silang nakabuo ng chemistry dahil na rin sa trope na mala-aso't pusa nilang bangayan.

Kahit na parang dalawang magkaibang kuwento ang pilit pinagsabay sa palabas, napagtagpo naman nila ito pagdating sa kalagitnaan ng pelikula. Hindi na gaanong nakakabilib ang istorya nito pero humanga ako sa kung papaano nila pinagtagpi-tagpi ang lahat para mawalan ito ng butas. Kung nasabi kong makalat ito sa simula, unti-unti naman nila itong nalinis pagdating sa dulo. Plus points pa dahil nagkaroon ng character development ang bawat isa at nabigyan ng maayos na ending ang lahat ng istoryang sinimulan nila. Hindi mo na lang namamalayan na na-hook ka na pala sa dalawang bida dahil natural ang pagkabuo ng bromance sa pagitan nilang dalawa.

Satisfying ang ending at sa huli mo na lang mapagtatanto na maganda pala ang palabas. Sa kabila ng mga corny na jokes at OA na humor, mayroon itong nakakaantig na kuwento na magpaparamdam sa iyo kung gaano kasakit ang magkaroon ng "what ifs" sa buhay. Ito ang hindi ko inaasahan na ibibigay sa akin ng pelikula - isang aral. Hindi ito award-winning, hindi rin ito unique pero makukuha nito ang puso mo dahil sa maganda nitong kuwento.


© Calendar Studios

No comments:

Post a Comment