Starring: Alessandra de Rossi, JM De Guzman
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 52 minutes
Director: Manny Palo
Writer: Alessandra De Rossi, Mike G. Rivera
Production: Viva Films, A World of Our Own
Country: Philippines
Sa kanilang honeymoon sa isang liblib na isla ay masusubok ang tatag ng bagong mag-asawa na sina Billie (Alessandra de Rossi) at Jecs (JM de Guzman) matapos silang ma-stranded sa naturang lugar dahil sa isang bagyo. Sa pamamalagi nila doon ay ma-uungkat ang mga isyu ng isa't isa na siyang maaaring ikasira ng kanilang pagsasama.
Napaka-natural ng tandem nila de Rossi at de Guzman sa simula ng pelikula. Mabilis nila 'kong napaniwala na bagong kasal lang sila at tunay ang pag-iibigan nilang dalawa. Maganda ang script na sinulat ni de Rossi. Alessandra na Alessandra ang dating dahil damang-dama ko sa pelikulang ito ang sarcasm at pagiging sassy ng mga dialogue. Maganda ang naging palitan ng linya ng dalawang bida pero 'yun lang ang nagustuhan ko sa palabas na 'to.
Pagdating sa kuwento, pinuno nila ito ng conflict para tumakbo ang istorya kaso ay wala naman itong pinatunguhan. Para lang itong episode sa Maalaala Mo Kaya o Magpakailanman na napaka-simple lang. Hindi pang-big screen ang storyline at madali lang mawala ang interes mo sa palabas na 'to dahil wala namang gaanong nangyayari dito.
Hit or miss din ang naging pag-arte nila de Rossi at de Guzman. Nagustuhan ko sila sa simula ng palabas pero sa paglaon ay unti-unti ring bumaba ang kalidad ng pag-arte nila. May mga eksenang okay sila pareho pero meron ding mga ganap kung saan ay parang hirap silang umarte. May pagkakataon na nagbi-baby talk si de Rossi, may oras namang hindi abot sa mga mata ang emosyon ni de Guzman. Kulang ang ibinuhos nilang pag-acting sa mga confrontation scenes. Hindi ko dama ang sakit at galit na nararamdaman ng bawat karakter.
Oo nga't relatable ang kuwento ng What If? pero boring itong panoorin. Wala itong kakaibang elemento na kukuha sa 'yong interes. Wala maayos na direksyon ang istorya nito at ang out of place na twist sa dulo ay parang inilagay na lang para matapos na ang palabas dahil maging ang mga writers ay mukhang wala ring maayos na plano para sa binuo nilang kuwento.
© Viva Films, A World of Our Own
No comments:
Post a Comment