★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Marian Rivera
Genre: Thriller
Runtime: 1 hour, 42 minutes
Director: Kip Oebanda
Writer: Kip Oebanda
Production: GMA Pictures, GMA Entertainment Group, Film Development Council of the Philippines
Country: Philippines
Isang guro na may paninindigan si teacher Emmy (Marian Rivera). Taong 2007, nagkaroon ng eleksyon sa kanilang lugar kung saan isa siya sa mga election worker na nakatokang mag-monitor sa voting process na ginanap sa kanilang paaralan.
Pagkatapos ng botohan, isang COMELEC representative ang nagpunta sa presinto nila teacher Emmy para i-escort sila na dalhin ang kanilang balota sa gobernador. Sa kalagitnaan ng biyahe, nagsimula silang suhulan ng naturang COMELEC officer kapalit ng balota subalit tumanggi si teacher Emmy. Ang pagprotekta nito sa balota ang magiging dahilan kung bakit biglang manganganib hindi lang ang buhay nito kundi pati na rin ang sariling buhay ng kaniyang pamilya.
First time kong mapanood si Rivera sa ganitong klaseng palabas at naipakita niya sa pelikulang ito ang pagiging versatile actress niya. Thrilling ang first half ng Balota lalo na sa parte kung saan tinatakasan ni teacher Emmy ang mga masasamang-loob. Pero pagdating sa second half, medyo lumaylay na ang kuwento nito. Nawala ang thrill ng istorya dahil napunta ang pelikula sa batuhan ng linya sa pagitan ng dalawang karakter. May saysay naman ang naging usapan nila pero medyo naging preachy ang labas nito. Doon pa lang ay predictable na ang magiging ending ng kuwento. Halata mo na kung sino ang kontrabida at kung papaano ito magtatapos.
Ang inaasahan kong climax sa isang thrilling na panimula ay hindi naibigay ng pelikula. Mas maganda sana kung nagdagdag pa sila ng maaaksyon na eksena sa dulo ng palabas o 'di kaya'y binigyan nila ng mas exciting na storyline ang mga side characters tulad nila Enzo (Will Ashley) at SPO2 Jeremy Morales (Royce Cabrera). Kulang sa puso ang palabas na ito pero kung sinasalamin naman nito ang totoong-buhay ay hindi na ito nakapagtataka.
Para sa isang palabas na tumitira sa kasalukyang problema ng ating bansa, hindi pa rin ganoon katapang ang naging approach nila rito. Marami pang issues na puwede sanang matalakay dito na hindi nila binigyan ng pansin pero overall, nakakatuwa na may mga ganitong klaseng pelikula na hindi takot i-call out ang hindi magandang mukha ng ating bansa.
May gustong isigaw ang palabas na ito at ang sigaw na 'yon ay tiyak akong narinig ng bawat taong nanood ng pelikula. Nakakalungkot lang na ito ang realidad mula noon hanggang sa ngayon. Ramdam ko ang frustration ni teacher Emmy dahil katulad ng Balota na nakabitin ang ending, ito rin ang kasalukuyang pinagdadaanan ng Pilipinas - paulit-ulit, walang pagbabago, nakaka-put*ng-*na.
© GMA Pictures, GMA Entertainment Group, Film Development Council of the Philippines
No comments:
Post a Comment