Search a Movie

Friday, May 9, 2025

Fear Street Part One: 1994 (2021)

5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆

 Starring: 
Kiana Madeira, Olivia Scott Welch, Benjamin Flores Jr., Julia Rehwald, Fred Hechinger
Genre: Mystery, Thriller
Runtime: 1 hour, 47 minutes

Director: Leigh Janiak
Writer: Phil Graziadei, Leigh Janiak
Production: 20th Century Studios, Chernin Entertainment
Country: USA


Matapos ang naganap na brutal na pagpatay sa isang mall sa kanilang lugar, mapag-aalaman ng mga kabataang sina Deena (Kiana Madeira), Josh (Benjamin Flores Jr.), Sam (Olivia Scott Welch), Simon (Fred Hechinger) at Kate (Julia Rehwald) na ang mga nangyayari sa kanilang bayan ay may kaugnayan pala sa isang matandang sumpa. Isang sumpa na ang pinagmulan ay ang witch na si Sarah Fier na sinasabing isinumpa ang bayan ng Shadyside noon pang 1600s.

Habang sinusubukan nilang iligtas ang kanilang sarili mula sa mga psycho killers, matutuklasan ng grupo na ang sumpa ay mas malalim at mas madugo pa pala kaysa sa inaakala nila. At ang tanging paraan para mailigtas nila ang kanilang buhay ay hanapin ang puno't dulo ng lahat.

Ang pinakaunang nagustuhan ko sa Fear Street Part One: 1994 ay ang soundtrack nito. Naaayon siya sa genre ng pelikula at sa mga karakter ng palabas. Nakakatuwa din ang humor nito, very subtle at hindi pilit kaya nakaka-engganyong panoorin. 

Maganda sana ang konsepto ng pagkakaroon ng iba't ibang psycho killers mula sa iba’t ibang panahon. Very interesting ang ideya na ito at nakadagdag siya ng dynamics sa pelikula. Kaso, hindi naman nila masyadong na-utilize ang mga nabanggit na killers. Mas tinutukan nila ang personal na buhay ng grupo na okay lang naman sa 'kin sana kaso na-boring-an ako sa characterization nila. Masyado na kasing overused ang ginamit na angulo para sa romance at drama sa mga bida kaya wala na siyang dating para sa 'kin. 

Sa totoo lang, hindi ako nakaramdam ng koneksyon sa karamihan ng mga karakter. Ang tanging kaabang-abang lang ay sina Kate at Simon. Wala kasing chemistry sina Deena at Sam at napaka-one dimensional naman ni Josh. Hindi rin nakadagdag na hindi gaanong maganda ang pag-arte ng mga bida. Mas nagkaroon ako ng interest sa mga kontrabida na isang senyales na hindi ganoong nakaka-hook ang pagkakasulat nila sa mga karakter.

Pagdating sa kuwento, thumbs up ako sa parte kung saan naniwala agad 'yung barkada sa sumpa kung saan iikot ang istorya. Hindi na nila ito pinatagal pa kaya mabilis na umusad ang kuwento. Gusto ko rin na ginawan nila ng reference ang ilang classic horror movies — magandang bonus para sa mga tagahanga ng genre.

Sa huli, nakulangan ako sa naging ending ng palabas. Dahil hindi ko masyadong gusto 'yung mga bida, hindi ko ramdam ang pagiging worth it ng mga sakripisyong ginawa nila. Maganda 'yung tema, sakto ang gore at thrill nito kaso sumablay lang sa characterization. Marami ding naiwang katanungan na hindi masasagot sa pelikulang ito kaya kailangan mong panoorin ang dalawa pang kasunod nito na hindi naman big deal dahil willing pa rin naman akong panoorin ang parts 2 and 3 ng trilogy.


© 20th Century Studios, Chernin Entertainment

No comments:

Post a Comment