Search a Movie

Saturday, May 24, 2025

A Balloon's Landing (2024)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Lau Chun-him, Fandy Fan
Genre: Drama, Fantasy
Runtime: 1 hour, 40 minutes

Director: Angel Teng
Writer: Angel Teng, Momo Wu, Seven Leung
Production: Drama Culture Company Limited
Country: Taiwan


Ang A Balloon's Landing ay tungkol sa kuwento ng manunulat na si Tian Yu (Lau Chun-him) na nawalan ng kredibilidad matapos siyang akusahan ng plagiarism. Sa gitna ng matinding depresyon na kaniyang pinagdadaanan, maaalala niya ang tungkol sa isang liham mula sa kaniyang kabataang kaibigan na kung saan napag-usapan nila ang tungkol sa mahiwagang lugar na tinatawag na Bay of Vanishing Whales sa Taiwan.

Susubukang puntahan ni Tian Yu ang lugar na ito sa tulong ng isang lokal na si Xiang (Fandy Fan). Magkasama nilang lalakbayin ang mga tanawin sa Taiwan at makabubuo ang dalawa ng pagkakaibigan — isang pagkakaibigan na may itinatago palang misteryo at hiwaga.

Isa sa mga highlight ng pelikula ay ang dalawang bida mismo. Malakas ang on-screen chemistry nila Lau at Fan. Ramdam mo agad ang koneksyon nila kahit hindi pa masyadong umuusad ang kuwento. Malaking bagay ito dahil hindi ka agad sa mismong plot kakapit, kundi sa mga personalidad ng mga karakter mismo. 'Yun ang nagsilbing hook ng pelikula.

Alam kong medyo gasgas na ang trope na ginamit dito kung saan ang dalawa ay kombinasyon ng isang reserved at tahimik na bida na pinares sa isang madiskarte at chill na kapareha. Bagama’t luma na ang ganitong formula, hindi pa rin maikakaila na nakaka-hook pa rin ito dahil nagamit nila nang maayos ang trope na ito.

Medyo bumagal lang ang pacing ng pelikula pagdating sa kalagitnaan. Kinulang ito ng tensyon at conflict kaya parang hindi umuusad ang kuwento. Mabuti na lang at bumawi ito pagdating sa bandang dulo ng pelikula lalo na nung nagkaroon na ng misteryo ang karakter ni Xiang. Ngunit dito rin pumasok ang problema, naging magulo at sabay-sabay ang mga pasabog ng palabas. Sa halip na paunti-unti nilang inilahad ang mga twist, dalawang revelation agad ang pinagsabay dahilan kung bakit naging mahirap itong sundan. Kinailangan kong huminto at i-process muna ang mga pangyayari dahil hindi ko alam kung alin sa dalawang pasabog ang uunahin ko. Mabuti na lang at naging malinaw din naman ang lahat sa huli. Naihatid pa rin ng pelikula ang heartwarming na mensahe nito kahit pa medyo sablay ang pagkakasulat at paglalahad ng mga twist ng pelikula. 

Ang pelikulang ito ay puno ng heartbreaking at bittersweet moments lalo na kapag nag-sink in na sa utak mo kung ano ba talaga 'yung mga nangyari. Kahit may mga kahinaan sa pacing at pagsasalaysay, naiparamdam pa rin nito ang emosyon at koneksyon sa pagitan ng mga karakter. Hindi ito perpekto. May mga bahagi mang magulo at mabagal, sa kabuuan ay nakaramdam pa rin ako ng kirot sa puso pagkatapos manood nito.


© Drama Culture Company Limited

No comments:

Post a Comment