Search a Movie

Saturday, May 17, 2025

Eye of the Storm (2023)

5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Wang Bo-chieh, Tseng Jing-hua, Hsueh Shih-ling, Chloe Xiang
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 58 minutes

Director: Lin Chun-yang
Writer: Liu Tsun-han, Chang Ting-fei
Production: Filmagic Pictures, Distribution Workshop, Third Man Entertainment, Catchplay
Country: Taiwan


Ang Eye of the Storm ay isang Taiwanese movie na iikot sa kuwento ng mga medical personnel na maiipit sa isang hindi inaasahang lockdown matapos i-quarantine ang buong hospital na kanilang pinagtatrabahuhan. Ito'y matapos makumpirma ang balitang mayroong pasyente sa naturang ospital na nakakuha ng SARS, isang bagong virus na naging epidemic noong taong 2003.

Hindi ito simpleng kuwento lang ng isang fictional virus na nagdudulot ng zombie apocalypse o kung anuman kundi isa itong makatotohanang pagsilip sa kung paano naapektuhan ang mga frontliners sa gitna ng SARS outbreak sa Taiwan noong 2003. Sa simula, mas pinili ng pelikula na ituon ang lente nito sa personal na pakikibaka ng mga doktor at nurse na naka-lockdown sa ospital. Ngunit sa kabila ng seryosong tema nito, kinapos ang pelikula pagdating sa pagbibigay ng emosyon. Ipinakita rito ang bigat at panganib ng pagiging medical personnel sa ganitong panahon pero kinulang ang palabas sa pagdadala ng emotional impact para sa mga manonood.

Isa sa mga bagay kung bakit natagalan akong mag-invest sa pelikula ay dahil sa main character nitong si Dr. Zheng Xia (Wang Bo-chieh). Napaka-bland ng character niya, kumbaga sa pagkain ay walang lasa. Sa halip na siya ang magsilbing sentro ng inspirasyon sa pelikula ay naging hadlang pa siya dahil sa kaniyang personalidad at self-centered na motibasyon. Bagamat may character development naman siya sa bandang huli, hindi pa rin ito naging sapat para maging kapana-panabik ang kaniyang kuwento.

Mas naramdaman ko pa ang bigat ng drama sa sub-story nila Nurse An Tai-he (Tseng Jing-hua) at Li Xin-yan (Chloe Xiang). Sobrang intense ng mga eksena nila lalo na sa parte kung saan pareho silang nagri-revive ng pasyente. Naging highlight din ng palabas ang komprontasyon ni Xin-yan sa kapwa niya nurses na kinulang sa malasakit. Kung sila na lang sana ang naging pangunahing tauhan sa pelikula ay maaaring mas naging matagumpay pa itong magpaiyak ng manonood.

Sa kabuuan, magulo ang naging daloy ng kuwento ng Eye of the Storm. Marami silang ipinakitang karakter ngunit naging mabagal ang usad ng kani-kanilang story arcs. May mga karakter sa istorya na hindi masyadong na-develop gaya ng sa bata at matandang driver. Kung tutuusin ay puwede na silang alisin sa kuwento at hindi maaapektuhan ang narrative nito.

Ang tunay na tensyon at thrill na hinahanap ko ay saka na lang dumating sa dulo ng pelikula kung kailan halos huli na para makuha ulit ang atensyon ng audience. At kahit pa may pahiwatig ng pag-asa o resolusyon, nagtapos ang pelikula sa isang open-ended na paraan, isang desisyon na tila bunga ng kawalan ng direksyon ng mga taong nagsulat nito. Nakakabitin lalo na para sa mga audience na umaasang makita kung paano nila tuluyang nalabanan ang virus.

Sa huli, may mga mahahalagang aral namang naibahagi ang palabas. Ipapakita rito kung anu-ano ang mga sakripisyo ng mga taong nasa larangan ng medisina lalo na't kamakailan lang ay dumaan ulit tayo sa pandemya. Sayang dahil mukhang marami sanang gustong sabihin ang pelikulang ito ngunit hindi nito lubos na naihatid ang bigat ng mensahe sa mga  manonood.


© Filmagic Pictures, Distribution Workshop, Third Man Entertainment, Catchplay

No comments:

Post a Comment