Search a Movie

Tuesday, May 13, 2025

A Minecraft Movie (2025)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring:
 Jack Black, Sebastian Hansen, Jason Momoa
Genre: Adventure, Comedy, Fantasy
Runtime: 1 hour, 41 minutes

Director: Jared Hess
Writer: Chris Bowman, Hubbel Palmer, Neil Widener, Gavin James, Chris Galletta, Allison Schroeder (story)
Production: Warner Bros. Pictures, Legendary Pictures, Mojang Studios, Vertigo Entertainment, On the Roam
Country: USA


Isang laos na gamer, Garrett (Jason Momoa), isang awkward na binata, Henry (Sebastian Eugene Hansen), ang kapatid nitong si Natalie (Emma Myers) na pilit nagpapaka-ina sa kaniyang nakababatang kapatid at isang real-estate agent, Dawn (Danielle Brooks) — lahat silang apat ay aksidenteng papasok sa isang magical portal papuntang Overworld o mas kilala bilang ang makulay na mundo ng Minecraft. Doon ay makikilala nila si Steve (Jack Black) na siyang tutulong sa kanila para makabalik sila sa kanilang mundo. Subalit ang orb na kinakailangan nila para mabuksan muli ang portal ay siya ring pakay ni Malgosha (Rachel House), ang namumuno sa Nether na ang balak ay sakupin ang Overworld.

Si Momoa ang nag-standout sa palabas na ito. Siya ang nagdala ng maraming katatawanan sa bawat eksena at hindi ko inaasahan na kakayanin din pala niya ang ganitong klaseng role. Pasok na pasok ang tandem nilang dalawa ni Black. Maganda ang chemistry nila lalung-lalo na sa mga eksenang puno ng slapstick humor na, sa kabutihang palad, ay hindi corny. Simple, diretso pero epektibo ang pagpapatawa.

Sa kabilang banda, predictable na ang storyline ng A Minecraft Movie. Wala itong masyadong bagong ini-alok pagdating sa kuwento. Common na ang adventure na mapapanood dito at ilang beses na itong ginawa pero kahit ganoon, maayos pa rin naman ang naging daloy nito at madaling sundan. Hindi nito sinubukang maging komplikado kaya bagay na bagay ito sa mga bata.

Isa sa mga pinakamalakas na aspeto ng pelikula ay ang animation nito, napaka-detalyado ng mga karakter at talagang visually appealing ito mula sa mga tanawin hanggang sa mga kilalang elemento mula sa laro. Kahit hindi ako naglalaro ng Minecraft, ramdam na ramdam ko ang effort sa paglalagay nila ng mga game references kahit may ilang hindi ko rin na-gets.

Sa kabuuan, ang A Minecraft Movie ay isang pelikulang puno ng saya, kulay at Minecraft nostalgia. Kahit medyo simple ang kuwento, bumawi naman ito sa magandang visuals at epektibong humor. Isa itong magandang family-friendly film na siguradong kikita sa mga batang manonood at lalo na sa mga fan ng laro.


© Warner Bros. Pictures, Legendary Pictures, Mojang Studios, Vertigo Entertainment, On the Roam

No comments:

Post a Comment