Search a Movie

Saturday, May 31, 2025

Hold Me Close (2024)

3 stars of 10
★★★ ☆☆☆☆

Starring: Carlo Aquino, Julia Barretto
Genre: Fantasy, Romance
Runtime: 1 hour, 38 minutes

Director: Jason Paul Laxamana
Writer: Jason Paul Laxamana
Production: Ninuno Media
Country: Philippines


Ang Hold Me Close ay isang pelikula na iikot sa karakter ni Woody (Carlo Aquino), isang lalaking pitong taon nang naglalakbay sa iba't ibang panig ng mundo upang makahanap ng lugar na maaari niyang tawaging tahanan.

Ang kaniyang paglalakbay ang nagdala sa kanya sa Karatsu, Japan kung saan niya makikilala si Lynlyn (Julia Barretto), isang misteryosong tindera ng pusit na may kakaibang kakayahan. Sa pamamagitan ng paghawak niya sa isang tao, nalalaman niya kung ang taong 'yon ba ay magdudulot ng saya o sakit sa kaniyang buhay.

Ang pelikulang ito ay masyadong trying hard na maging misteryoso at malalim. Sa halip na makatawag-pansin, mas naging katawa-tawa, awkward at nakakapagod lang itong panoorin. Wala pang 20 minutes sa palabas ay parang gusto ko na itong tigilan. Puro exposition ang mapapanood dito, lahat ay sinasabi at walang ipinapakita. Ironic dahil kahit puro paliwanag na nga ang palabas, wala pa rin silang maayos na naipaliwanag. Walang explanation ang pagiging positive at negative ng isang tao sa buhay ni Lynlyn at kung ano ang dapat gawin para mapalitan ito. Walang hook ang kuwento, walang depth kaya nakaka-boring itong panoorin.

Sa acting department naman, parang nanonood lang ako ng school play. Hindi natural ang emosyong lumalabas mula sa mga bida. Hindi makatotohanan ang delivery ng dialogue. Mukhang hirap ang mga artista dahil na rin sa hindi maayos na pagkakasulat ng script. Si Barretto, halimbawa, hindi klaro kung ano bang klaseng karakter ang gusto niyang iportray. Kung mataray ba siya? Weird? Baliw? o Bored? Paiba-iba ang personality niya at hindi niya ito napanindigan hanggang sa dulo. Ang “quirky” persona niya bilang Lynlyn sa simula ay biglang naging sweet girl sa huli, na wala namang maayos na transition.

Cringe panoorin ang physical interaction ni Lynlyn kay Woody. Napasobra ito sa physical touching na parang papunta na sa sexual harassment. Medyo double standards dahil kung ang karakter ni Aquino ang gagawa ng walang paalam na paghawak sa katawan ay bastos ito pero kapag si Lynlyn ay okay lang. Akala siguro nila ay nakakakilig ang parteng 'yon. 

Ang relasyon ng dalawang karakter ay mabilis at pilit. Walang malinaw na development, walang "slow burn". Basta bigla na lang silang nagkagustuhan. Palagi kasing nasa dialogue ang kuwento at kinulang ito sa visual storytelling. Dahil doon, hindi nabuo ang chemistry sa pagitan ng dalawang bida. Kulang sa konekyson, kulang sa emosyon, wala tuloy mararamdamang kilig.

Sa huli, napakasimple lang ng istorya ng Hold Me Close na kung tutuusin ay maganda sana ang material pero dahil pinilit nilang maging kakaiba at edgy ay naging pangit ang storytelling nito. Para silang sumusunod sa isang istoryang walang direksyon, hindi mo alam kung ano ang goal ng palabas. Isa itong halimbawa ng pelikulang gustong maging “deep” pero sa totoo lang, wala naman itong laman. Puro drama pero walang puso. Puro salita pero walang damdamin. Puro intensyon kaso kulang sa execution. Ang tanging maganda lang sa palabas na ito ay ang lugar kung saan ito kinunan.


© Ninuno Media

No comments:

Post a Comment