★★★★★ ☆☆☆☆☆
Starring: Angelina Jolie, Edward Burns
Genre: Romance
Runtime: 1 hour, 43 minutes
Director: Stephen Herek
Writer: John Scott Shepherd, Dana Stevens
Production: Regency Enterprises, Epsilon Motion Pictures, Davis Entertainment, Cass Film, New Regency
Country: USA, Poland
Isang ambisyosang local TV reporter si Lanie Kerrigan (Angelina Jolie) na perpekto na ang takbo ng kaniyang karera at personal na buhay. Siya ay kilala sa kaniyang kumpiyansa at maayos na plano para sa sarili niyang kinabukasan. Pero kung kailan malapit na niyang maabot ang pangarap na matagal na niyang inaasam, biglang magbabago ang lahat nang makausap nito ang isang misteryosong manghuhula. Ayon dito, ang buhay ni Lanie ay tatagal na lamang ng isang linggo bago siya bawian ng buhay.
Dahil sa naging prediksyon ng naturang manghuhula, mapapaisip si Lanie kung tunay nga bang masaya siya sa direksyong tinatahak ng kaniyang buhay. Sa paghahanap niya ng kahulugan at kaligayahan, matutuklasan nito na may mga bagay pa palang hihigit pa sa tagumpay, kasikatan at seguridad na kaniyang tinatamasa sa kasalukuyan.
May potensyal sana ang tema ng pelikulang ito na tungkol sa paghahanap ng kahulugan sa buhay sa gitna ng kasikatan at tagumpay, pero sayang dahil hindi ito napanindigan ng istorya. Habang tumatagal ang pelikula, unti-unting nawawala ang bigat ng premise dahil sa mababaw na pagtalakay sa mga tema nito at sa ilang mahihinang aspeto ng produksyon katulad na lang ng script.
Walang lalim ang mga dialogue. Paulit-ulit ito at parang pilit na pilit na maging “insightful” pero nagtunog lang itong gasgas. Para bang may bagong natutunang salita ang writer at inulit-ulit na lang niya ito sa buong plabas. Ang romantic subplot naman nito, na sana’y magsisilbing puso ng pelikula, ay kinulang sa pundasyon. Walang malinaw na dahilan kung bakit galit ang dalawang bida sa isa’t isa. Sayang ang chemistry nila kung nabigyan lang sana sila ng sapat na backstory.
Hindi ko rin nagustuhan na sa simula pa lang ng pelikula ay na-spoil na ang mga manonood. Nawala tuloy 'yung thrill ng pagkakaroon ng vision tungkol sa kinabukasan ng bida, kung mangyayari ba ito o hindi. Dahil doon, naging predictable na ang ending nito. Very red flag din para sa akin ang male lead na hindi matanggap ang success ni Lanie kaya dapat siya ang kailangang mag-sacrifice. Isa eksena lang ang tunay nakakuha ng puso ko at 'yun ay ang interview ni Lanie kasama si Deborah Connors (Stockard Channing). Punung-puno ito ng emosyon, ito lang ang tanging nagpakita ng sinseridad na gusto kong maramdaman din sa iba pang bahagi ng pelikula.
Nagtangkang maghatid ng aral ang pelikula sa pamamagitan ng pagpapakita sa atin kung papaano natin dapat pahalagahan at mahalin ang ating buhay. Pero ginawa ito sa paraang tila sinasabi rin na kailangang isakripisyo natin ang sarili nating pangarap para sa iba. Hindi ito happy ending kung realidad lang din ang pag-uusapan dahil puwede ka namang mag-enjoy sa buhay habang hinahabol ang 'yong pangarap — hindi kailangang mamili. Sayang, kasi kung mas inalagaan lang sana ang script at mga karakter, mas magiging makabuluhan ang kuwento ng Life or Something Like It.
© Regency Enterprises, Epsilon Motion Pictures, Davis Entertainment, Cass Film, New Regency
No comments:
Post a Comment