★★★★★ ☆☆☆☆☆
Starring: Anna Kendrick, Daniel Zovatto
Genre: Crime
Runtime: 1 hour, 35 minutes
Runtime: 1 hour, 35 minutes
Director: Anna Kendrick
Writer: Ian McDonald
Production: AGC Studios, Vertigo Entertainment, BoulderLight Pictures
Country: USA
Batay sa mga totoong pangyayari noong dekada 70, ang Woman of the Hour ay tungkol sa aspiring actress na si Sheryl (Anna Kendrick) at kung papaano nito nakasalamuha ang serial killer na si Rodney Alcala (Daniel Zovatto) matapos siyang sumali sa sikat na dating gameshow na "The Dating Game".
Ang Woman of the Hour ay isang pelikulang may potensyal sana kaso nga lang, sa kasamaang-palad, hindi nito lubos na naabot ang inaasahan kong impact. Isa sa mga nakabawas ng interes ko sa palabas na 'to ay ang paulit-ulit na paglipat-lipat ng point of view nito. Sa halip kasi na makabuo ng mas malinaw at mas malalim na kuwento, naging sagabal ito sa kabuuang daloy ng pelikula. Hindi ko tuloy alam kung kanino ba 'ko magfo-focus, sa buhay ba ni Sheryl o sa buhay ni Rodney.
Mas naging epektibo sana kung nakatutok ang buong istorya sa karakter ni Sheryl. Sa kaniya kasi nakataya ang tunay na tensyon at emosyon ng pelikula. Kung ginawa na lang sana nilang investigative ang narrative nito, maaari pa nilang maiparamdam sa mga manonood ang thrill at horror ng pagkakaroon ng serial killer na pagala-gala lamang at nasa national TV pa.
Gayunpaman, ang isa sa ilang positibong bagay na masasabi ko tungkol sa palabas na 'to ay ang desisyon ng pelikula na huwag bigyan ng background ang serial killer para hindi siya makakuha ng simpatya sa masa. Isa itong matalinong pagpili dahil hindi nila niromanticize ang mga nangyaring krimen — isang pagkakamaling madalas na gawin ng ibang true crime films.
Ang mga eksena sa mismong The Dating Game ang isa sa pinaka-enjoyable na parte para sa akin. Pero ang pinaka hindi ko malilimutang pangyayari sa palabas na siyang nagpatindig ng balahibo ko ay ang tagpo sa parking lot. Napaka-intense ng eksenang 'yon at punung-puno ito ng tensyon. Kapwa mahusay kasi ang naging pagganap ng mga aktor na sina Kendrick at Zovatto sa mga kaniya-kaniya nilang karakter kaya damang-dama mo ang eksena.
Sa kabila ng mga magagandang elemento ng pelikula, hindi naging ganap na matagumpay ang pelikula para sa akin. Dahil batay ito sa totoong kwento, naging predictable ang takbo ng naratibo. Kulang sa twist, kulang sa thrill at sa huli, medyo naging forgettable ang labas nito. May sinserong intensyon pero nabitin ako sa execution.
© AGC Studios, Vertigo Entertainment, BoulderLight Pictures
No comments:
Post a Comment