★★★★★★★★★ ☆
Starring: Hasmine Kilip, Ronwaldo Martin
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 47 minutes
Director: Eduardo Roy Jr.
Writer: Eduardo Roy Jr.
Production: Cinemalaya, Outpost Visual Frontier, Found Films
Country: Philippines
Magkasintahan na nakatira sa lansangan ng Maynila ang mga menor de edad na sina Jane (Hasmine Kilip) at Aries (Ronwaldo Martin). Sa kabila ng kanilang murang edad, maagang nagkaroon ng anak ang dalawa na pilit nilang binuhay sa pamamagitan ng pagnanakaw. Subalit isang trahedya ang mangyayari sa buhay ng mag-asawa matapos dukutin mula sa kanila ang kanilang sanggol. Doon na magsisimulang kumapit sa iba't ibang klase ng patalim ang dalawa para lang mahanap nila ang kanilang nawawalang anak.
Unang eksena pa lamang ay ramdam mo na ang pagiging relatable ng pelikula lalo na para sa mga simpleng mamamayan na araw-araw ay hinaharap ang realidad ng kahirapan. Isa itong pelikula na hindi takot ipakita ang masalimuot na katotohanan na kadalasang tinatalikuran ng lipunan.
Napaka-natural ng pagganap nila Kilip at Martin sa palabas na ito. Hindi mo sila makikitang umaarte lamang, para bang sila mismo ang mga karakter na kanilang isinasabuhay. Mula sa pananalita, galaw, at pagkilos, ganap na ganap sila bilang mga batang lansangan. Kahanga-hanga ang kanilang performance lalo na sa mga eksena kung saan ay may mga sagutan sila at batuhan ng mga salitang kalye, doon mas lalong lumutang ang galing nila.
Gayunpaman, hindi consistent ang naging pag-arte nila. May ilang mga dialogue silang binibitawan na kinukulang ng emosyon. Hindi ko alam kung saan ang mali, sa mga aktor ba o sa sumulat ng kanilang dayalogo. Pagdating sa mga mabibigat na eksena na kailangan ng matinding dramahan, hindi lahat ay nabigyan ni Kilip ng maayos na pag-arte katulad na lang sa labas ng supermarket — umiiyak siya nang walang luha. Pero pagdating sa presinto, doon bumuhos ang luha niya at dahil do'n, damang-dama mo ang eksena. Hindi naman naging issue 'to para sa akin dahil overall ay napapalakpak ako sa naging pag-arte ng dalawang bida.
Isa sa mga malikhaing aspeto ng Pamilya Ordinaryo ay ang paggamit nito ng CCTV bilang point-of-view sa ilang eksena, lalo na tuwing may hindi kanais-nais na mangyayari. Isa itong matapang na atake na hindi lamang nagbibigay ng estilong biswal kundi nagpapahiwatig din ng kung paanong binabantayan ngunit binabaliwala ang mga nasa laylayan.
Nakakatuwa ring makita ang contrast sa personalidad ng dalawang bida. Mayroong isang ina na kahit naive ay may pagkamaalalahanin at matatag at isang ama na bagama’t isip-bata ay buong pusong sumusuporta pa rin sa kaniyang asawa.
Hindi rin matatawaran ang produksiyon ng pelikula mula sa make-up, costume, at set design, ramdam ko ang init, lagkit, at dumi ng lansangan. Amoy na amoy mo ang paligid kahit hindi ka naroroon. Patunay ito sa husay ng palabas sa pagdi-detalye at pagbibigay ng makatotohanang biswal para sa pelikula.
Sa kabuuan, ang Pamilya Ordinaryo ay hindi lamang kuwento ng dalawang batang magulang. Isa itong masalimuot na komentaryo sa kung paanong binabaliwala ng sistema ang mga pinakamahihirap. Mula sa mga guard na walang pakialam sa kapwa mahirap, sa mga abusadong pulis, hanggang sa media na sinamantala ang kanilang trahedya, ipinapakita ng pelikula kung gaano kahirap buhatin ang mga pasaning dala-dala ng mga kapus-palad. Isa itong pelikulang nakakadurog ng puso, at higit pa roon, isa itong paalala na may mga kuwento tayong kailangang pakinggan at hindi dapat tinatalikuran.
© Cinemalaya, Outpost Visual Frontier, Found Films
No comments:
Post a Comment