★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Vince Vaughn, Susan Sarandon, Lorraine Bracco, Talia Shire, Brenda Vaccaro
Genre: Drama, Comedy
Runtime: 1 hour, 51 minutes
Director: Stephen Chbosky
Writer: Liz Maccie
Production: Fifth Season, 1Community, Madison Wells, Matador Content
Country: USA
Ang pelikula ay hango sa tunay na kuwento ni Joe Scaravella (Vince Vaughn), isang Italian-American na naisipang magtayo ng restaurant sa gitna ng kaniyang pagluluksa dahil sa pagkawala ng kaniyang ina. Subalit sa halip na mga professional chef ang kunin nito bilang tagapagluto, mga nonna o lola ang tumao sa kusina nito. Isa itong kakaibang pakulo na magbibigay importansya sa tunay na kahulugan ng isang pamilya.
Pero sa kabila ng maganda nitong layunin, haharap si Joe sa ilang mga pagsubok katulad na lang ng tensyon sa pagitan ng mga lola na may kani-kaniyang istilo at ugali, pati na rin sa hirap ng pagpapatakbo ng isang kakaibang negosyo. Sa huli, isang mahalagang aral ang kaniyang matututunan tungkol sa pagkain, komunidad at pagkakaisa.
Ang pelikula ay puno ng puso at nostalgia lalo na para sa mga lumaki sa piling ng kanilang lola. Isa itong warmhearted na kuwento na sinubukang balansehin ang drama at comedy. Magandang makita si Vaughn sa isang comedy film kung saan hindi siya pilit na nagpapatawa. Subalit kahit na malinaw ang layunin ng karakter niya, ang magbigay-pugay sa kaniyang ina sa pamamagitan ng isang restaurant, hindi gaanong ramdam ang bigat ng kaniyang pinagdadaanan. Siguro dahil kulang at limited lang ang naipakitang buhay ni Joe kasama ang nanay at lola nito. Kumpara sa ibang mga karakter sa pelikula, medyo boring ang kaniya at madali lang siyang natabunan ng iba. Maliban sa mga nabanggit, wala ring impact ang love story angle nila ni Olivia (Linda Cardellini), kulang sa spark, walang kilig at tila isiningit lang para lang magkaroon ng romantic subplot ang palabas.
Isa sa pinakamatibay na elemento ng Nonnas ay ang apat na lola mismo na talagang bumida sa kuwento. Buhay na buhay ang screen sa bawat eksena nila. Nakakaaliw kasi ang mga karakter. May sarili silang kulay, personalidad at kwento. Napaka-interesante ng mga backstories nila. Isa sa pinakanagustuhan kong eksena ng pelikula ay noong nasa hair salon ang apat na lola. Napakamabuluhan kasi ng nangyaring girl talk ng apat. Makikita mo talaga na bawat isa sa kanila ay may sari-sariling pinagdaanan na madaling ika-relate ang mga manonood lalo na sa mga kababaihan.
Maganda ang mensahe na nais iparating ng pelikula tungkol sa pamilya, komunidad at tiwala sa sarili. Oo, medyo cheesy ang konsepto ng “restaurant about family,” pero sa kontekstong ito, bumagay naman ito lalo na't totoong buhay ang pinagmulan ng istorya. Naipakita rin ng pelikula ang realidad sa pagpapatayo ng negosyo: mahirap, puno ng pagsubok, pero posible kung may tiwala at suporta.
Isang bagay din na kahanga-hanga dito ay kung paano nila binigyang-boses ang mga matatanda. Hindi sila ginawang background characters lang kundi ay binigyan sila ng lalim, boses at sariling pagkatao. Hindi sila one-dimensional at ito ang dahilan kung bakit marami sa manonood ang makaka-relate at mapapalapit sa kanila. Sa kabuuan, ang Nonnas ay isang pelikulang hindi perpekto pero puno naman ng puso. Kung lumaki ka sa amoy ng lutong bahay ng iyong lola, tiyak na mapapangiti ka habang pinapanood mo ito. Hindi man ito isang pelikulang paiiyakin ka sa tindi ng drama o 'di kaya'y patatawanin ka dahil sa humor nito pero isa itong matinong palabas na magpapa-alala sa'yo kung gaano kahalaga ang pagmamahal, alaala ng mga taong minsan ay naging tahanan din natin.
© Fifth Season, 1Community, Madison Wells, Matador Content
No comments:
Post a Comment