Search a Movie

Wednesday, May 21, 2025

Dead Kids (2019)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Kelvin Miranda, Vance Larena, Khalil Ramos, Jan Silverio
Genre: Crime, Thriller
Runtime: 1 hour, 38 minutes

Director: Mikhail Red
Writer: Nikolas Red
Production: Globe Studios, Pelikula Red, Asmik Ace
Country: Philippines


Naka-sentro ang pelikula sa bidang si Mark Sta. Maria (Kelvin Miranda), isang matalinong estudyanteng galing sa hirap na madalas ma-bully ng mga mayayamang kaklase nito lalo na ni Chuck Santos (Markus Paterson) na anak ng isang kilalang drug lord.

Sa kagustuhang makaganti at makaluwag sa buhay, makikipag-alyansa si Mark sa tatlo pang estudyante para kidnapin si Chuck at humingi ng ransom mula sa pamilya nito. Ngunit hindi ganoon kadali ang gagawin nilang plano dahil magiging kalaban ng grupo ang sarili nilang insecurities, kaniya-kaniyang motibo at ang kawalan nila ng karanasan sa ganoong klase ng krimen.

Susubukang sisirin ng pelikulang ito ang madilim at magulong mundo ng mga kabataang Pilipino kung saan ang kahirapan, bullying at social pressure ang karaniwang nagtutulak sa mga estudyante na makagawa ng mga desperadong hakbang para sa kanilang pansariling interes. 

Isa sa mga pinakamalakas na aspeto ng Dead Kids ay ang natural at makabagets na linyahan ng mga karakter. Believable ang dialogue at hindi pilit ang mga interaction nila. Pero habang tumatagal, kapansin-pansin din ang overuse na pagmumura dito na medyo masakit sa tainga. Medyo trying hard magpaka-cool ang dating para sa 'kin lalo na sa mga eksenang out of place na ang murahan nila.

Pagdating sa acting, standout performances ang ipinakita nina Khalil Ramos at Vance Larena na parehong nagdala ng lalim at kulay sa kanilang mga karakter, lalo na si Vance na halos buhatin ang buong palabas. Sa kabilang banda, may kakulangan pa sa pagbitaw ng emosyon sina Miranda at Jan Silverio. May mga ilang tagpo na parang nagbabasa lang ng tula si Miranda at kabaliktaran naman nito si Silvero na papunta na siya sa pagiging overacting.

Ang maganda sa pelikulang ito ay hindi nito ginawang cliché ang mga "bullied kids." Hindi sila iyong tipikal na mahihina at walang laban. Mas mababa lang talaga ang estado nila sa buhay kaya sila nabu-bully. Ipinakita rin dito na hindi lang ang mahihirap ang nabu-bully kundi pati anak ng pulis at mga anak mayaman — isang magandang perspective sa power tripping na nagaganap sa mga eskuwelahan.

Ang ikinalito ko lang sa palabas ay kung paraa saan ba ang role ni Sue Ramirez sa kuwento. Wala siyang konkretong ambag sa takbo ng pelikula at tila hindi rin nabigyang-buhay ang posibleng romantic subplot nito na inihanda para sa kanila ni Miranda. Gayunman, mahusay ang naging performance ni Sue. Ang malungkot niyang ngiti sa dulo ng palabas ay isa sa mga pinakamatinding visual na nakita ko sa pelikula.

Satisfying para sa akin ang ending ng Dead Kids. Very realistic at well deserved ang kaparusahan para sa mga may kasalanan. Hindi pilit ang moral lesson nito at naipakita ng palabas na ang mga aksyon, gaano man ka-desperado, ay may kaakibat itong resulta. 


© Globe Studios, Pelikula Red, Asmik Ace

No comments:

Post a Comment