★★★★★★★ ☆☆☆
Starring: Joanna Ampil, Rachel Alejandro, Paulo Avelino
Genre: Drama, Musical
Runtime: 2 hours, 4 minutes
Director: Loy Arcenas
Writer: Rolando Tinio, Nick Joaquin (play)
Production: Culturtain Musicat Productions
Country: Philippines
Dating may kaya ang buhay ng magkapatid na sina Candida (Joanna Ampil) at Paula (Rachel Alejandro) ngunit sinubok ang tatag ng kanilang pamilya nung sila'y naghirap. Ang tanging kayamanan na meron na lang sila ay ang isang "larawan" na ipininta ng kanilang ama. Sa obra maestra na ito iikot ang kuwento ng pelikula matapos itong pagnasaan ng iba't ibang tao.
Sa kabila ng kahirapan, kailangang harapin ng magkapatid ang mabigat na pasya kung ipagbibili ba nila ang larawan para sa kaligtasan nila o panindigan nila ang prinsipyo ng kanilang ama tungkol sa sining.
Ang pelikulang ito ay hango sa dulang isinulat ni Nick Joaquin na may musika mula kay Ryan Cayabyab. Sa kabila ng bigat ng mga pangalang nasa likod ng produksyong ito, ilan lang sa mga kanta sa palabas ang tumatak sa akin. Una ay ang eksena nila Candida at Paula sa simula ng palabas at pangalawa ay ang entrada ni Donya Loleng (Celeste Legaspi) sa pelikula. Ang ibang kantang inawit sa pelikula ay hindi na masyadong kaaya-aya para sa pandinig ko. Kulang sa tugma, hindi masarap sa tainga at may mga bahagi talagang hindi ko na-enjoy.
Isa sa mga unang bagay na nabagabag ako sa palabas na ito ay ang paraan ng pag-uusap ng mga karakter. Bagama’t gumamit sila ng malalalim na salita, ramdam na ramdam pa rin ang modernong istilo ng pananalita nila. Para bang may dissonance sa pagitan ng setting ng panahon (1940s) at ng mga dialogue. Tila hindi ito tumugma at medyo nakasira ito sa immersion sa palabas.
Totoong acquired taste ang ganitong uri ng pelikula. Hindi ito pangkaraniwan sa mainstream at nangangailangan ito ng konting tiyaga bago masanay, lalo na sa estilo ng pagkanta at pananalita ng mga karakter. Kalaunan, nasanay din naman ang tainga ko sa mga matataas na boses at mapupusok na linya ng mga bida. Ang istorya nito, sa kabila ng mabagal na simula, ay nagkaroon din ng lalim at excitement sa bandang kalagitnaan nito hanggang dulo, lalo na nang pumasok ang misteryong bumabalot sa obra ng kanilang ama at kung ano ang nangyari dito.
Ang Ang Larawan ay isang pelikulang hindi para sa lahat. Isa itong pelikula na nagtuturo ng mahahalagang aral tulad ng pagpapahalaga sa sariling paninindigan at ang kakayahang huwag basta-basta magpadala sa opinyon ng ibang tao. Malinis ang pagkakalahad ng kuwento kahit wala itong masyadong hook o pang-akit sa mas batang audience. Isa itong halimbawa ng sining na mas maiintindihan at mapapahalagahan ng mga manonood na bukas ang isip sa iba’t ibang anyo ng storytelling.
© Culturtain Musicat Productions
No comments:
Post a Comment