Search a Movie

Friday, December 2, 2016

Train to Busan (2016)

Poster courtesy of Cine News
© Next Entertainment World
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Gong Yoo, Ma Dong-seok, Jung Yu-mi, Kim Su-an
Genre: Action, Drama, Horror, Thriller
Runtime: 1 hour, 58 minutes

Director: Yeon Sang-ho
Writer: Park Joo-suk
Production: Next Entertainment World, RedPeter Film
Country: South Korea


Habang sakay ng tren papuntang Busan ang mag-amang Seok-woo (Gong Yoo) at Su-an (Kim Su-an) ay isang zombie outbreak ang nagsimula sa South Korea. Walang kaalam-alam ang mga sakay ng tren sa kaguluhang nagaganap sa labas hanggang sa isang babaeng may zombie virus ang nagsimulang manggulo at umatake sa mga pasahero sa loob. Kasama ang buntis na si Seong-kyeong (Jung Yu-mi) at asawa nitong si Sang-hwa (Ma Dong-seok) ay magtutulungan sila nina Seok-woo at Su-an upang tumakas at makaligtas mula sa nakakamatay na mga zombie.

Simple lang ang kuwento ng Train to Busan na iikot sa hindi magandang pagsasama ng mag-ama na maayos sa kalagitnaan ng apocalypse. Hindi ito masyadong nag-focus sa kung papaano nagsimula ang zombie outbreak kaya nahirapan din akong sundan kung saan nagmula ang problema. Ang maganda dito ay saglit lang ang pagpapakilala sa background ng bida ngunit naipakita kaagad kung ano ang estado ng mag-ama sa pelikula kaya hindi ganoon kahaba ang paghihintay sa maaksyong parte nito. 

Maayos ang naging development ng mga karakter at kabilang na rito ang supporting cast maliban na lang sa magkapaitd na matanda na naging display lang hanggang sa umabot sa parte kung saan sila kinakailangan. Ang nakakayamot lang siguro sa palabas ay ang pagkakaroon ng late reaction ng lahat ng nandirito. Sa tuwing may makakaharap silang zombie, sa halip na tumakbo ay pagmamasdan muna nila kung ano ang nasa harap nila o hindi kaya'y magkakaroon muna sila ng isang minutong pagkagulat bago ma-proseso ng kanilang utak na kinakailangan na nilang tumakbo. Mas lalo itong nakadagdag ng kaunting pananabik sa mga nanonood ngunit mas mangingibabaw ang inis dahil alam mong hindi ganito ang magiging reaksyon ng isang tao kapag nangyari ito sa tunay na buhay.

Bukod sa magandang akting, ang ikinaganda pa ng pelikula ay ang mga zombies nito na isa rin sa mga bumida sa pelikulang itinanghal na numero uno sa South Korea para sa taong ito. Nakakabilib ang kanilang make-up at costume at bukod dito ay nagpadagdag rin sa katatakutan ang liksi ng mga ito na hindi tipikal na makikita sa mga zombie movies. Marami rin silang mga kaganapan na agaw-eksena at tatatak talaga sa mga manonood katulad ng paghila ng tren sa kumpol ng zombies at ang mala-gymnast na katawan nila. Ang nakitaan ko lang ng problema sa iba ay naging exaggerated ang mga zombies na nangangailangan ng effects.

Ito ang pelikulang pinatunayan ang dala nitong hype. May ibubuga ito pagdating sa katatakutan, aksyon, thrill at higit sa lahat sa drama. Dala nito ang dramang may kirot na tiyak na magpapaluha sa bawat manonood dahil na rin sa galing ng buong cast.


No comments:

Post a Comment