Search a Movie

Tuesday, December 20, 2016

Lumayo Ka Nga Sa Akin (2016)

Poster courtesy of IMP Awards
© Viva Films
5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Maricel Soriano, Herbert Bautista, Cristine Reyes, Candy Pangilinan, Benjie Paras
Genre: Comedy
Runtime: 2 hours, 7 minutes

Director: Chris Martinez, Mark Meily, Andoy Ranay
Writer: Eric Cabahug, Bob Ong (novel)
Production: Viva Films, Heaven's Best Entertainment
Country: Philippines


Ang Lumayo Ka Nga Sa Akin ay ang ikalawang libro ni Bob Ong na nabigyan ng film adaptation matapos ang medyo fail na ABNKKBSNPLAko?! noong 2014. Katulad ng nauna ay hindi lang medyo kundi epic fail ang naging adaptation ng naturang libro. Isa itong satire na ginawang katatawanan ang mga cliché at gasgas nang eksena sa mga telebisyon at pelikulang Pilipino.

Ang palabas ay nahahati sa tatlong kuwento at bawat kuwento ay may kaniya-kaniya itong genre na uuyamin. Ang unang istorya na pinamagatang "Bala Sa Bala, Kamao Sa Kamao, Satsat Sa Satsat" ay tatalakay sa mga klasikong pelikulang aksyon na naging trend noong 80's at 90's. Tungkol ito sa action star na si Diego (Benjie Paras) na naghahangad na paghigantihan ang mga taong pumaslang sa kaniyang pamilya at mga bisita sa kasal. Dito ay makikilala niya ang artistang si Divina Tuazon (Candy Pangilinan), ang leading lady na kailangan niyang iligtas mula sa mga dumakip sa kaniya.

Matapos ang naunang kuwento ay susundan naman ito ng horror na "Shake, Shaker, Shakest", reference sa sikat na franchise ng Shake, Rattle & Roll ng Regal Films. Isang pamilya ang masisiraan ng sasakyan sa isang liblib na lugar. Dahil dito ay kinakailangan nilang magpalipas ng gabi sa isang haunted house. Sa paagtira ng pamilya sa naturang bahay ay samu't-saring katatakutan ang mararamdaman nila mula sa tiyanak, mananaggal, tikbalang, sapi at minumultong pridyider.

Ang huling kuwento ay iikot naman sa isang dramang nakasanayan na ng sambayanang Pilipino, ang "Asawa ni Marie". Ito ay kuwento ni Marie (Cristine Reyes) na inaapi-api ng kontrabidang si Señorita Avila (Antoinette Taus). Ang dalawa ay magkaribal sa puso nila Señorito Boglee (Paolo Ballesteros) ay Señorito Lapid (Jason Gainza). Maipapakita rito ang mga overused na konsepto ng mga soap operas katulad ng pag-iibigan ng mahirap at mayaman, sanggol na nagkapalit at ang paghihiganti ng bida sa mga umapi sa kaniya.

Bilang isang satire, aasahan mo na ang pagiging overacting nito ngunit hindi ko inakalang magiging OA pa ito sa OA. Sinimulan ito nila Paras at Pangilinan na ni ngiti ay hindi mo magawa dahil sa sobrang corny nito. Imbes na matuwa ka dahil nakaka-relate ka sa mga bagay na kanilang pinupuna ay mapapangiwi ka na lang dahil sa sobrang exaggerated na execution nito.

Kung ano ang problema sa naunang kuwento ay ganoon din sa pangalawa at mas masahol pa ang kinalabasan. Hindi nakaligtas ang isang Maricel Soriano dahil maging siya ay nagpamalas ng nakakainis na pag-arte. Sinamahan pa ito ng magulong storyline na kung anu-anong puna ang ipinasok kahit na wala na itong kaugnayan sa kung anong genre ang ipinapalabas nila. Masyado nila itong ipinamukha sa manonood na parody lang ang pelikula kaya naging trying hard tuloy ang labas.

Sa kabila ng bagsak na execution sa naunang dalawang kuwento ay naging disente naman kahit papaano ang kinalabasan ng ikatlong istorya. Hindi ito over the top at sakto lang ang pagbibigay nila ng katatawanan sa mga gasgas na soap opera na ibinase sa sikat na kuwento ni MariMar. Sa katunayan ay inabangan ko talaga ang itinakbo ng kuwento nito at sa kanilang tatlo ay ito ang nakapagbigay ng maayos na parody at mga eksenang nakakatawa.

Minsan may mga kuwento talagang mas magandang nakasulat na lang kaysa naman masira ito sa pagbibigay-buhay sa big screen. Nakakatuwa at nakakatawa ang libro ni Bob Ong ngunit nakakainis at nakakangalit ang ginawa nilang adaptation rito. Nandoon na yung joke, kaso mali ang pagkakagamit ng mga punchline. Para itong isang matalinong joke ngunit hindi lang maganda ang pagkakabitaw kaya mahirap tawanan kahit na-gets mo naman. Mayroon itong magandang materyal na binigyan ng masamang pagsasagawa.


No comments:

Post a Comment