Poster courtesy of A Film And Lit Lover © Quantum Films |
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Vilma Santos, Fatima Centeno, Marlon Rivera
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 1 hour, 51 minutes
Director: Jeffrey Jeturian
Writer: Jeffrey Jeturian, Antoinette Jadaone, Zig Dulay
Production: Cinemalaya, Quantum Films
Country: Philippines
Isang dakilang ekstra na maituturing si Loida Malabanan (Vilma Santos). Ito na ang naging hanap-buhay niya upang mag-isang mairaos ang anak sa pag-aaral nito. Sa kaniyang panibagong raket para sa isang teleserye ay susundan ng pelikula ang buhay ni Loida kasama ang ilan pang ekstra dala ang pangarap na sana'y isang araw ay makamtan na rin nila ang big break na kanilang inaasam.
Walang kuwento na susundan ang Ekstra, bagkus ay iikot ito sa araw ni Loida bilang ekstra sa isang TV production. Para itong pagsasadula sa isang documentation tungkol sa mga bit players. Kung sa pelikula, ang tanging mapapanod natin ay ang mga taong nasa harap ng kamera, dito sa Ekstra ay ang mga taong nasa likod naman ng kamera ang bibida. Bagamat isa parin itong kathambuhay ay nakuha naman nito ang makatotohanang senaryo sa likod ng kamera.
Isasalarawan ni Loida ang buhay ng isang ekstra, ang hirap na kanilang kinakaharap sa industriya para lang mabigyang buhay ang isang eksenang ating sinusubaybayan sa harap ng telebisyon. Dito natin makikita na kahit importante ang kanilang papel sa telebisyon at pelikula ay malaki at malayung-malayo ang agwat nila sa mga tunay na artista.
Bukod sa buhay ng mga ekstra ay naipakita rin dito sa pelikula ang mundo ng production team, mula sa direktor, props men, artista at sa mga problemang kanilang kinakaharap tuwing taping/shooting katulad na lang ng pagrenta sa mga kinakailangang props, paglaan ng screen time para sa mga product placements, ang mga pasaway na artista at maging ang paiba-ibang panahon.
Nakakatuwang panoorin na ang mga teleseryeng gabi-gabi nating tinututukan ay dumadaan pala sa napakahirap na produksyon. At sa kabila ng hindi kagandang sistema na ipinakita dito sa pelikula ay ginawang entertaining ni Jeffrey Jeturian ang kaniyang likha sa pamamagitan ng pagdagdag ng on point na humor. Patatawanin ka ng mga karakter kahit na napakahirap ng kanilang estado sa pelikula. Ang mas nagbigay kulay sa palabas ay si Vilma Santos at ang kaniyang karakter, siya ang tunay na aabangan mo dito. Maaawa ka sa kaniya, matutuwa at higit sa lahat ay makiki-simpatya. Hanga ako sa husay ni Santos dahil kayang-kaya niyang ibigay ang magaling na pag-arte sa mga eksenang nangangailangan nito. Mararamdaman mo ang purong emosyon na nais iparating ng kaniyang karakter kahit na walang matinding dramahan.
Maganda ring tignan sa screen ang tambalan nila Piolo Pascual at Marian Rivera kahit na mahirap itong mangyari sa totoong buhay dahil sa pagkakaroon nila ng magkaibang network. Nakakamangha lang na tignan ang dalawang malaking pangalan sa industriya na magkasama sa iisang eksena.
Ang Ekstra ay isang pelikula na pupukaw sa iyong interes. Ito ang siyang magbibigay sa bawat manonood ng ideya sa kung ano ang mga nangyayari sa likod ng kamera, mga pangyayaring hindi natin nakikita sa harap ng kamera.
No comments:
Post a Comment