Search a Movie

Friday, December 23, 2016

Temptation Island (2011)

Poster courtesy of Wikipedia
© GMA Films
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Marian Rivera, Heart Evangelista, Lovi Poe, Solenn Heussaff, Rufa Mae Quinto
Genre: Comedy
Runtime: 1 hour, 55 minutes

Director: Chris Martinez
Writer: Chris Martinez
Production: GMA Films, Regal Entertainment
Country: Philippines


Sa pagnanais na makuha ang kaniya-kaniyang pansariling kagustuhan sa buhay ay apat na naggagandahang dilag ang sumali sa patimpalak na Miss Manila Sunshine. Si Christina G (Marian Rivera) na isang estapador ay sumali upang makuha ang premyong house and lot samantalang ang cash prize naman ang ninanais na mapanalunan ni Pura K (Solenn Heussaff) na lumaki mula sa mayamang pamilya ngunit ngayon ay nagsimula nang maghirap. Sa kagustuhan naman ni Virginia P (Heart Evangelista) na magkaroon ng sariling kotse upang magamit sa pagpasok sa paaralan ay sumali din siya sa naturang beauty pageant, at ang spoiled-brat na si Serafina L (Lovi Poe) ay sumali naman para sa trip to California.

Sa pagkakatanghal ng apat na dalaga bilang semi-finalists sa nasabing beauty pageant ay ipinagdiwang nila ito sa isang yate na 'di kalaunan ay magkakaroon ng aberya dahilan upang lumubog ito sa kalagitnaan ng karagatan. Makakaligtas ang mga sakay nito ngunit ilan sa kanila kasama na sina Christina G, Serafina L, Pura K, at Virgina P ay mauuwi sa isang islang walang tubig, walang pagkain, walang tao at walang anumang bagay na makakatulong sa kanilang kaligtasan.

Maayos at katanggap-tanggap ang naging portrayal nila Rivera, Poe, Heussaff at Evangelista sa kani-kanilang karakter ngunit sa kanilang apat si Poe ang nagpamalas ng kakaibang pagsasabuhay kay Serafina L bilang isang spoiled-brat primadonna. Naipakita ni Poe ang pagiging versatile actress niya sa pagbibigay ng kakaibang atake sa kaniyang karakter. Pasok din naman ang pag-arte ni Rivera bilang ang palengkerang si Christina G ngunit minsan ay lumalampas siya sa linya ng pagiging overacting at nakakarindi rin sa tainga ang pagsisigaw niya sa isla. Naging tahimik lang ang karakter ni Evangelista na hindi naman masyadong nalalayo sa tunay niyang personalidad. Makikita parin naman sa pelikula ang sariling pagkakakilanlan ng kaniyang karakter bilang prim and proper na si Virginia P, ngunit dahil dito ay madali lang siyang na-outshine nila Rivera at Poe. Sa kabilang banda, bagamat kita naman ang pagsisikap ni Heussaff na mabigyan ng maayos na portrayal si Pura K ay humadlang parin dito ang baluktot nitong pagsasalita. Siya ang may pinakamahinang karakter at may boring na personalidad.

Maliban sa main cast ay nagpamalas din ng galing si John Lapus, magkahalong tuwa, simpatya at galit ang mararamdaman mo sa kaniyang karakter at isa siya sa nagdala ng pelikula hindi katulad ng mga kalalakihan sa cast na mahina ang character development at wala rin masyadong aabangan sa kanilang pagganap. Naging trying hard ang pagpapakita ni Aljur Abrenica sa karakter niya na dapat ay matalino at may pinag-aralan dahil hindi ito mararamdaman sa palabas, hindi kasi bagay sa kaniya ang Ingles.

May mga sariling eksena rin si Rufa Mae Quinto na siya ang bumida at tiyak na tatawanan ng bawat manonood. Dinala nito ang pagiging komedyante niya sa palabas at isa siya sa mga magbibigay ng katatawanan sa pelikula. At kapag sinabing Rufa Mae ay alam na natin ang istilo nito sa comedy, minsan havey at minsan naman waley pero kadalasan naman kahit papaano ay havey.

Pagdating sa kuwento, naging dragging ito sa kalagitnaan at pinuno ito ni Chris Martinez ng mga tila filler na eksena. Sa parteng ito na dapat makikita ng bawat manonood ang "temptasyon" sa isla ngunit hindi ko ito masyadong nakita maliban na lang sa isang gabing nagkaniya-kaniya ang mga bida. Naging magulo rin ang direksyon ni Martinez lalo na sa continuity ng mga eksena. May mga pagkakataong nagtatakbuhan lang ang dalawang bida at sa sumunod na eksena ay nagbubuhat na sila ng kahoy. Hindi mo tuloy ito maramdaman na isang buong kuwento dahil tila hindi tugma ang naunang eksena sa sumunod na eksena.

Mabuti na lang at pumasa ang pelikula sa dala nitong komedya at sa matinong mga bida sa kabila ng magulong direksyon at kulang ng dating na kuwento. Kung napanood niyo ang orihinal na pelikula, maraming naging improvements itong remake. Mas natural ang pagiging sexy ng mga bida ang problema nga lang ay ang magandang direksyon ng orihinal ay hindi na nagaya ni Martinez sa sarili niyang bersyon.


No comments:

Post a Comment