Search a Movie

Saturday, May 24, 2025

Last Holiday (2006)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Queen Latifah, LL Cool J
Genre: Comedy, Romance
Runtime: 1 hour, 52 minutes

Director: Wayne Wang
Writer: Jeffrey Price, Peter S. Seaman, J.B. Priestley (1950 film)
Production: ImageMovers
Country: USA


Simple at mahiyaing dalaga si Georgia Byrd (Queen Latifah) na nagtatrabaho bilang sales clerk sa isang department store. Mapag-aalaman ni Georgia na mayroon siyang malubhang karamdaman at ilang linggo na lamang ang nalalabi sa kaniyang buhay. Sa halip na mawalan ng pag-asa, nagpasya siyang gamitin ang lahat ng kaniyang ipon para tuparin ang mga pangarap niya sa buhay — ang maglakbay sa Europa, kumain ng masasarap na pagkain at maranasan ang buhay na dati’y pinapangarap lang niya.

Kung naghahanap ka ng pelikulang magaan sa damdamin, walang stress at siguradong pangingitiin ka, ang Last Holiday ay isa sa mga pelikulang kailangan mong panoorin. Simple lang ang kuwento nito, walang anumang plot twist o mind-bending narratives pero nakatutuwa pa rin itong panoorin. Mapapanatili ng pelikula ang atensyon mo mula simula hanggang dulo dahil na rin sa charm ni Queen Latifah. Kaaya-aya siyang panoorin dahil sa natural nitong karisma sa bawat eksena.

Masarap panoorin ang pelikulang ito. Kahit na mabigat ang tema ng istorya dahil na rin sa sakit niya, palaging pabor kay Georgia ang mga nangyayari kaya hindi mo ramdam ang negative aspect ng storyline. Hindi ito nakaka-drain ng emosyon, bagkus ay nagbibigay pa ito ng inspirasyon at good vibes. Isa sa mga standout scene para sa akin ay ang New Year’s party — chef’s kiss, ika nga. Sobrang satisfying ng eksenang 'yon dahil 'yun lang ang parte na may dalang kaunting drama na kukurot sa puso mo.

Wala akong ibang maipintas sa pelikula maliban na lang sa medyo questionable na yaman ng bida at kung papaano niya nabayaran ang lahat ng nagastos niya sa kaniyang bakasyon lalo na't ang conflict ng istorya ay wala siyang pera na pampa-opera. Pero dahil na-enjoy ko naman ang buong pelikula at hindi rin ito 'yung tipo ng istorya na dapat sineseryoso, binigyan ko na lang ito ng suspension of disbelief.

Sulit panoorin ang pelikulang ito. Bawat minuto ay enjoy itong panoorin at ang maganda ay may friendly reminder pa ito para sa lahat ng manonood  dapat tayong mabuhay nang buo at masaya habang may panahon pa.


© ImageMovers

No comments:

Post a Comment