Search a Movie

Friday, August 17, 2018

Last Night (2017)

Poster courtesy of Star Cinema
© Star Cinema
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Piolo Pascual, Toni Gonzaga
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 44 minutes

Director: Joyce Bernal
Writer: Bela Padilla, Neil Arce (story)
Production: Star Cinema, Spring Films, N2
Country: Philippines


Nang gabing iyon ay nais na sanang tapusin ni Mark Peters (Piolo Pascual) ang kaniyang buhay, ngunit bago pa man niya magawa ito ay nakuha ni Carmina Salvador (Toni Gonzaga) ang kaniyang atensyon nang magpatulong ito mula sa ibaba ng tulay kung saan sana magpapakamtay si Mark. Katulad ni Mark ay suicidal rin si Carmina ngunit nang tumalon ito mula sa tulay ay sumabit ang kaniyang jacket sa isang maliit na billboard dahilan upang mapurnada ang sana'y pagpapakamtay ng dalawa.

Dito unang nagkakilala ang dalawa, naging magkaibigan at nangako sa isa't-isa na sabay silang magpapakamatay. Ngunit sa kabila ng kaunting oras na kanilang pagsasama ay unti-unting nagbago ang desisyon ni Mark hanggang sa malaman nito ang tunay na sikreto ni Carmina.

Ang tema ng buong pelikula ay napaka-morbid dahil sa paksa nitong umiikot sa kamatayan. Medyo sensitibo din ito lalo na't ang usapin ay tungkol sa suicide. Gayunpaman ay madali lang napagaan ang mood ng pelikula dahil sa nakakatuwang karakter ni Toni. Magaling ang ipinamalas na pag-arte ni Toni, patatawanin ka niya pero kaya ka rin niyang paiyakin. Makulit ngunit misteryosa, ito ang paglalarawan na ipinakita ni Toni sa kaniyang karakter. Sa kabilang banda, nakulangan ako kay Piolo. Maayos naman ang ipinakita nitong pag-arte, ngunit dama mo ang kakulangan nito. Hindi masama ngunit hindi rin naman ganoon kagaling. Sa mga eksenang kung saan nangangailangan ng matinding emosyon ay hindi niya ito nailabas ng maayos.

Pagdating sa kuwento ng Last Night, magkaka-interes ka sa dark theme nito. Maganda ang screen chemistry nila Toni at Piolo, hindi sila nakapagbigay ng kilig ngunit dahil hindi naman ito ang main focus ng palabas at maganda parin panoorin ang pagsasama ng dalawa lalo na't magkaiba ang personalidad ng mga karakter na kanilang binibigyang buhay. Pagdating sa kalagitnaan ng kuwento ay madali na lang mahulaan kung ano ang paparating nitong twist, hindi na ito bago dahil ilang beses na itong ginawa sa ibang pelikula subalit nagkaroon parin ito ng impact lalo na noong ibahagi na nila ang kuwento ni Carmina. Medyo na-exaggerate nga lang ng kaunti ang ibang elements sa twist at mas nagmukha itong fantasy lalo na sa mga idinagdag na effects na tila hindi napaghandaan dahil halatang-halata. 

Naging cheesy man ang ending dahil sa biglang sulpot ng mga overdramatic na theme song ay sa kabuuan ay nagustuhan ko parin Last Night. Hindi man ganoon ka-original ang kuwento ay nakapagbigay parin naman ito ng magandang mensahe at suporta sa isyu ng suicide. Enjoy panoorin ang naging pagsasama nila Carmina at Mark lalo na si Carmina dahil sa masaya nitong personalidad sa kabila ng tema ng palabas. Taas-kamay din ako kay Bb. Joyce Bernal sa mga picturesque shots nito na nagbigay ganda sa kaniyang palabas kahit na medyo na-overdone ito sa dulo.


No comments:

Post a Comment