Search a Movie

Tuesday, August 28, 2018

Tiktik: The Aswang Chronicles (2012)

Poster courtesy of Subscene
© GMA Films
7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Dingdong Dantes, Lovi Poe, Joey Marquez, Janice de Belen
Genre: Action, Comedy, Horror
Runtime: 1 hour, 42 minutes

Director: Erik Matti
Writer: Erik Matti
Production: GMA Films, Reality Entertainment, Mothership Inc., AgostoDos Pictures, PostManila
Country: Philippines


Ang tanging gusto lang ni Makoy (Dingdong Dantes) ay ang balikan na siya ng kaniyang nobya na si Sonia (Lovi Poe) kaya niya ito pinuntahan sa kanilang probinsya. Ngunit ipinagtabuyan siya ng mga magulang ni Sonia na sina Fely (Janice de Belen) at Nestor (Joey Marquez). Desididong maiuwi pabalik si Sonia at ang ipinagbubuntis nito ay nanatili si Makoy sa kanilang lugar upang suyuin ang dalaga. Ang hindi alam ni Makoy, ang pananatili nito ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng interes ang mga nagtatagong aswang sa kanilang lugar kay Sonia.

Nang mapag-alaman ng mga ito na nagdadalang-tao ang kaniyang nobya ay agad sumugod ang mga naturang aswang sa kanilang tahanan. Mula sa panunuyo ay si Makoy na ang nagsilbing tagapagtanggol ng pamilya ni Sonia mula sa mga tiktik.

Damang-dama mo ang pagiging kakaiba ng Tiktik: The Aswang Chronicles sa mga karaniwang horror films ng Pilipinas. Ito ay dahil ang buong pelikula ay ginamitan ng green screen chroma key na nakapagbigay ito ng maganda at kakaibang cinematography kung ang Philippine cinema standard ang pagbabasehan. 

Bawat eksena ay maa-appreciate mo dahil kita mo ang effort na ginawa rito ng post-production team. Maging ang mga props at costume design ay nakakahanga, ito ang nagbigay ng timpla sa buong pelikula. Ramdam mo ang pagiging dark ng palabas na bagamat horror ang genre ay nabigyan parin naman ng humor na umaayon parin sa aesthetic na inihanda para sa palabas.

Hindi man ganoon ka-thrilling ang naging storyline nito ay bumawi naman sila sa acting ng buong cast. Sa palabas ay sina de Belen at Marquez ang nag stand-out. Medy napag-iwanan ng kaunti si Dantes pagdating sa aktingan ngunit nakabawi naman siya sa action scenes. Hindi ganoong maganda ang pagkakasulat sa dialogue ng mga karakter ngunit pasok naman ang mga comedic lines nila na siyang bumalanse sa buong vibe ng pelikula.

Ang Tiktik: The Aswang Chronicles ang pelikulang bibigyan ka ng kakaibang movie experience dahil sa bagong visual treatment nito na masarap panoorin lalo na pag nasa big screen. Kita mo sa palabas na ito na pinagkagastusan ito at hindi nagmukhang cheap. Hindi ka man gaanong mahu-hook sa storyline at dialogue nito ay mai-impress ka naman sa ganda ng props, set design maging ang costume ng buong pelikula. Hindi man nito maabot ang iyong ekspektasyon story-wise ay bumawi naman sila sa cinematography.


No comments:

Post a Comment