Poster courtesy of Pinterest © Hazeldine Films |
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Luke Mably, Adar Beck, Nathalie Cox, John Lloyd Fillingham, Chukwudi Iwuji, Pollyanna McIntosh, Jimi Mistry
Genre: Mystery
Runtime: 1 hour, 42 minutes
Director: Stuart Hazeldine
Writer: Stuart Hazeldine, Simon Garrity
Production: Hazeldine Films, Bedlam Productions
Country: United Kingdom
Walong kandidato ang nakapasok para sa huling yugto sa pagpili ng bagong empleyado ng isang misteryoso at makapangyarihang korporasyon. Isa itong pagsusulit kung saan ang makapagbibigay ng tamang sagot ang siyang mapipili.
Ang mga naturang kandidato ay ipinasok sa isang saradong kuwarto na walang bintana kung saan isang guwardiya ang nagbabantay. Isang papel at isang lapis ang nasa kanilang harapan at sa loob ng isang oras at dalawampung minuto ay kinakailangan nilang maibigay ang tamang sagot. Habang ginagawa ang pagsusulit ay tatlong patakaran ang kinakailangan nilang sundin. Una ay bawal kausapin ang bantay. Pangalawa ay bawal sirain ang kanilang papel. At pangatlo ay ipinagbabawal silang lumabas. Nang magsimula ang kanilang oras, mapag-aalaman ng mga kalahok ang isang malaking problema, walang laman ang kanilang mga papel at bago pa maubos ang nakatakdang palugit ay kinakailangan nilang magbigay ng tamang sagot.
Ito ang palabas na gigising sa iyong kuryosidad. Kung mahilig ka sa mga palabas na kinakailangang gamitin ang iyong utak ay itong Exam ang mairorokemanda ko sa iyo. Wala itong bonggang production, walang mga nakakapang-akit na visual effects at simpleng istorya lang ang iyong susundan ngunit tiyak na pagaganahin nito ang iyong pag-iisip.
Isa ang Exam sa klase ng mga palabas na sa iisang setting mo lang mapapanood ang mga bida mula simula hanggang wakas at ang tanging bubuhay dito ay ang mga mismong karakter nito. Ang kanilang character development, personalidad at ang dialogue. At nagawa ito ng Exam. Hahawakan nito ang iyong interes hanggang sa lumabas ang sagot sa misteryo ng pelikula.
Magaling ang pagkakasulat sa mga karakter. Wala kang kakampihan sa kanila dahil lahat sila ay may antagonistic side. Palipat-lipat ang iyong simpatya sa kung sino ang gumagawa ng tama at sumusunod sa patakaran. Ang medyo inconsistent nga lang ang ugali ay si White (Luke Mably). Maliban doon ay lahat sila'y may interesting na personalities at kaniya-kaniyang shining moments.
Bukod sa mga karakter, ang kuwento ng pelikula ang nag-stand out dito. Ang twist na inihanda para rito ay worth the mystery. Kahit na masyadong naging teknikal ang mga bida sa mga paraan nila upang makuha ang sagot ay ito lamang ang naging paraan upang maipakitang matalino sila. Ang naging problema ko nga lang dito ay semi-satisfying ang naging katapusan nito. Nang malaman na ang sagot sa malaking katanungan ng kanilang exam ay hindi mo na nakita ang naging reaksyon ng ilan sa mga karakter na nakasama mo sa buong pelikula dahil ang ilan sa kanila ay wala na. Hindi buo ang satisfaction na mararamdaman mo dahil iisa lang ang nakatunghay sa big twist na ito ng pelikula.
Overall ay isa itong matalinong pelikula. Mahu-hook ka sa panonood nito dahil gagamitin mo rin ang utak mo habang nakikisabay sa pagbuo ng misteryong bumabalit dito. Hindi ka mabuburyo dahil magandang entertainment ang ginawa nila sa mga nagsiganapan sa palabas. Walang patapon na eksena at mula sa oras na ito'y nagsimula ay kaabang-abang ang bawat tagpo hanggang sa ito'y magwakas.
No comments:
Post a Comment