Search a Movie

Monday, May 1, 2023

The Hows of Us (2018)

9 stars of 10
★★★★★★★★★ ☆

Starring: Kathryn Bernardo, Daniel Padilla
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 57 minutes

Director: Cathy Garcia-Molina
Writer: Cathy Garcia-Molina, Carmi G.Raymundo, Crystal S. San Miguel, Gillian Ebreo
Production: ABS-CBN Film Productions
Country: Philippines


Isang medical student si George (Kathryn Bernardo) samantalang aspiring musician naman si Primo (Daniel Padilla). Ang kuwento nilang dalawa ay iikot sa kanilang relasyon at kung papaano nila pilit binuhay ang pag-iibigang unti-unting sinisira ng malupit na realidad ng buhay.

Wala na akong masyadong maibuod sa kuwento ng pelikula dahil baka ma-spoil ko lang ito. Basta ang masasabi ko lang ay hangang-hanga ako sa naging istorya ng The Hows of Us. Realistic ito at malayo sa mga pa-tweetums na Pinoy romantic comedies. Papatunayan ng palabas na ito na walang patutunguhan ang true love kung wala ka namang pambayad ng bills. Ipaparamdam nito kung gaano kasarap magmahal at sa parehong pagkakataon ay ipaparanas sa'yo ang hirap ng pagkakaroon ng commitment. Nagustuhan ko rin na ginawang non-linear ang narrative ng pelikula nang sa gayon ay magkaroon ng thrill ang kuwento.

Umaapaw ang chemistry nila Bernardo at Padilla sa palabas na ito. Noong una'y nahirapan akong tanggalin sa isip ko na masyado pa silang bata para mag-live in pero dahil sa pagiging mature at seryoso ng kuwento ay natanggap ko rin sa huli na hindi na sila teenagers sa palabas na ito kundi young adults na. Hahangaan mo si Bernardo rito dahil ipinamalas niya sa pelikula ang galing nito sa pag-arte. Hindi rin naman nagpahuli si Padilla na siyang umako sa pakilig at patawa ng pelikula.

Ang isa pang nagustuhan ko sa palabas na ito ay walang agawan ng boyfriend. Sarili nila ang naging kalaban nila, ang sitwasyon nila ang naging conflict at ang goal ng kuwento ay kung maibabalik pa ba sa lahat sa dati. Oo nga't predictable na ang kahihinatnan ng dalawang bida pero hindi pa rin nito maaalis ang excitement na nararamdaman mo habang nanonood. Isang bagay lang ang medyo hindi ko nagustuhan dito. Ito ay ang sub-plot sa kapatid ni George at ang paghahanap nila sa ama nila. Malayo sa kuwento. Alam kong ito ang naging redemption arc ni Primo pero naboringan lang ako dahil wala akong naramdamang connection sa paghahanap nila sa tatay nila. Mas pinahaba lang nito ang takbo ng palabas.

Overall, kikiligin ka, maiiyak, at matatawa sa panonood ng pelikulang ito. Katulad ng inaasahan ay hindi ka mabibigo sa pelikulang gawa ng isang Cathy Garcia-Molina.


© ABS-CBN Film Productions

No comments:

Post a Comment