Search a Movie

Thursday, May 22, 2025

Snow White (2025)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Rachel Zegler, Gal Gadot
Genre: Fantasy, Musical
Runtime: 1 hour, 49 minutes

Director: Marc Webb
Writer: Erin Cressida Wilson, Brothers Grimm (story)
Production: Walt Disney Pictures, Marc Platt Productions
Country: USA


Si Snow White (Rachel Zegler) ay isang prinsesa na inalipin ng kaniyang madrastang isang Evil Queen (Gal Gadot) matapos mamatay ang ama nito. Sa kabila nito, si Snow White pa rin ang itinuturing na pinakamagandang nilalang sa kanilang kaharian, isang bagay na hindi nagustuhan ng Evil Queen. Dahil dito, naisip niya itong ipapatay ngunit tutulungan si Snow White ng mga taong totoong nagmamahal sa kaniya. Sa udyok ng isang rebelde, susubukang bawiin ni Snow White ang kahariang ninakaw mula sa kaniya ng Evil Queen.

Ang Snow White ay reimagination sa isang classic fairy tale story na, bagamat may intensyong maghatid ng mas makabago at empowered na prinsesa, ay tila nawalan ito ng balanse sa pagbibigay ng bagong personalidad ng bida. Sa simula pa lang, buo na agad ang pagkatao ni Snow White. Matapang siya, palaban at may sariling paninindigan kaya nawalan ng saysay ang kaniyang character development. Sayang dahil mas maganda sanang napanatili ang pagiging sweet at inosente ng prinsesa sa simula na unti-unting tatapang dahil sa mga pagsubok na kaniyang pagdadaanan.

Ang performance ni Zegler bilang Snow White ay kapansin-pansin, pero hindi sa positibong paraan. Sobrang exaggerated ng kaniyang mga galawan, nakaka-distract ang mouth acting niya na ginawa para lang magmukhang matapang. Mapapatawad ko pa ang acting ni Gadot na masyadong animated pero understandable naman ito dahil hindi naman talaga totoong reyna ang karakter niya kaya okay lang na magmukha siyang trying hard.

Bagamat kahanga-hanga ang whimsical animation ng mga hayop at mga lokasyon, kabaligtaran naman ito pagdating sa mga 7 dwarves. Sobrang awkward nilang panoorin sa screen at papunta na sa nakakatakot ang mga itsura nila. Maging ang mga eksena nila ay nakakaantok at kulang sa impact. Dagdag pa rito ang mga rebelde na bagong karakter sa palabas. Kinulang sila sa depth at emosyonal na koneksyon kay Snow White dahil parang minadali lang ang story arc nila. 'Di ko tuloy ramdam ang concern nila sa bida dahil halos isang araw lang nila ito nakilala.

Sa kabila ng mga kahinaang ito, maganda na nabigyan nila ng backstory ang lalaking karakter na tumulong kay Snow White, hindi siya basta idinagdag lang para sa romantic angle. Sa kabuuan, hindi naman lubos na binago ang kuwento ni Snow White sa version na 'to. May mga naidagdag lang at may ilang plotholes silang pilit tinakpan. Maganda ang ilang kanta, pero hindi ito sapat para buhatin ang pelikula. Isa na naman itong halimbawa ng isang klasikong kuwento na nasira dahil gustong magpaka-woke ng mga producers, kaso nawalan ito ng puso.


© Walt Disney Pictures, Marc Platt Productions

No comments:

Post a Comment