★★★★★★★★★ ☆
Starring: Alessandra de Rossi, Paolo Contis
Genre: Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 40 minutes
Director: Veronica Velasco
Writer: Noreen Capili
Production: Mavx Production, OctoArts Films, Viva Films
Country: Philippines
Mahigit dalawang dekada na ring magkakilala sina Jen (Alessandra de Rossi) at Ben (Paolo Contis) at labing-tatlong taong magkarelasyon. Matapos hingiin ni Ben ang mga kamay ni Jen ay napagdesisyunan ng dalawa na maglibot sa lifelong dream destination ni Jen - ang Iceland.
Sa pagsasama nila Ben at Jen sa isang banyagang lugar ay dito mapagtatanto ng dalawang magkasintahan na sa kabila ng pagkakakilala nila ng mahigit dalawampung taon ay hindi pa nila ganap na kilala ang ugali at pag-iisip ng bawat isa, dahilan upang maapektuhan ang tiwala at pagmamahalan nila sa isa't isa.
Ang Through Night and Day ang pelikulang tungkol sa pag-ibig na hindi mo aakalaing kakailanganin mo. Marami kang iakaka-relate at matututunan dito pagdating sa usaping relasyon lalo na kapag patungkol ito sa taong tingin mo'y magiging parte na ng iyong buhay magpakailanman. Ang pelikulang ito ang magpapatunay sa kasabihang hindi mo pa lubusang makikilala ang totoong katauhan ng isang tao hangga't hindi mo pa ito nakakasama sa iisang bubong - o pagdating sa pelikula ay sa iisang sasakyan?
Walang third party, walang in-laws na hindi pabor sa kasal, walang ex na nagbabalik, walang exes baggage na ikakasira ng dalawang bida, sa madaling salita ay hindi sumunod ang palabas sa tipikal na pormula sa paggawa ng mga mainstream romance movies, kaya ito tumatak at minahal ng masa kahit na medyo delayed ang paghangang inaani nito sa kasalukuyan. Ang pinaka-conflict ng kuwento ay ang sari-sarili nila mismo kaya makatotohanan ang labas. Nangyayari ito sa tunay na buhay at ito ang minsang nagiging sanhi kaya nagkakalatak ang maraming relasyon.
Sa simula ay tila walang chemistry sina de Rossi at Contis lalo na kapag iniisip mo lang ito at hindi pa nakikita sa screen. Pero dahil sa galing ng dalawa sa pagsasabuhay sa mga karakter na kanilang isinasabida ay unti-unti kang mapapaniwala na sila ay tunay na nagmamahalan. Sasabay ka sa character development ng dalawa. Tamang-tama lang ang daloy ng bawat eksena, walang dull moments dahil bawat tagpo ay mayroon kang bagong nalalaman ukol sa mga bida. Dito nagsimulang nabuo ang chemistry nila de Rossi at Contis.
Sa pelikulang ito mo mapagtatanto na ang "true love" ay hindi lang nakikita sa dalawang taong mayroong happy ending. Madarama mo pa rin ito sa mga taong nagkalayo man ang landas ay tunay pa ring mahal ang isa't isa kahit na hindi na ito ang inaasahan mong magiging ka-forever mo.
Matatawa ka, mapapaibig at maiiyak sa ipinakitang galing sa pag-arte nila de Rossi at Contis dito sa palabas. Maaantig ka naman dahil sa kuwento nitong simple pero malakas ang impact sa puso ng bawat manonood. Kahit na minsan ay naiinis ako sa pa-baby talk ni de Rossi ay palalampasin ko ito dahil ang pelikulang ito ay isang obra maestra.
Poster courtesy of Internet Movie Database.
No comments:
Post a Comment