Poster courtesy of IMP Awards © Walt Disney Pictures |
8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Yifei Liu, Donnie Yen, Gong Li
Genre: Action, Drama, Fantasy, War
Runtime: 1 hour, 55 minutes
Director: Niki Caro
Writer: Rick Jaffa, Amanda Silver, Lauren Hynek, Elizabeth Martin, Tony Bancroft (animated), Barry Cook (animated)
Production: Walt Disney Pictures, Jason T. Reed Productions, Good Fear Content
Country: USA
Isang digmaan ang nagbabantang magsimula sa Imperyo ng Tsina matapos sugurin ng mga mandirigma ng Rouran ang hilagang parte ng bansa. Dahil dito ay ipinag-utos ng Emperador (Jet Li) na ang bawat pamilya ay kailangang magbigay ng isang kaanak na lalaki na maaaring umanib bilang mandirigma upang lumaban para sa kanilang bayan.
Wala ni isang lalaki sa pamilya ni Mulan (Yifei Liu) maliban sa kaniyang amang bagama't beterano na sa pakikipag-giyera ay hindi na nito kaya pang lumaban dahil sa kaniyang edad. Ang naisip na solusyon ni Mulan upang iligtas ang ama sa kapahamakan ay ang magpanggap bilang isang lalaki. Gagamitin nito ang katauhan ni Hua Jun upang sumama sa Imperial Army kapalit ng kaniyang ama.
Hindi nakaligtas ang Mulan sa mga classic animated movies ng Disney na ginagawan ng live action version para sa kasalukuyang henerasyon. Mahirap na hindi ikumpara ang pelikula sa 1998 version nito kaya naman ito na ang uunahin ko. Marami ang nabago at inalis sa 2020 version pero nananatili pa rin ang main plot nito. May mga karakter na minahal natin sa animated movie na hindi na natin matutunghayan dito sa live action pero para sa akin ay hindi naman ito naging kawalan.
Kung ako ang tatanungin ay tanggap ko ang mga pagkakaiba ng dalawang pelikula. Dahil dito ay magkakaroon ka ng interes na panoorin ang adaptation nito upang makita kung ano ang idinagdag at ipinalit sa kuwento. Siguro'y ang hinahanap-hanap ko lang dito sa pelikula ay ang magagandang kanta sa animated movie na nais ding mapakinggan ng aking tainga dito sa bagong bersyon.
Pagdating sa istorya, ayokong pasukin ang pagiging totoo nito sa source material dahil una ay hindi ako pamilyar sa kultura at tradisyon ng palabas. Aaminin kong wala akong sapat na kaalaman ukol rito at ayoko ring maapektuhan nito ang review ko na ibabase ko lang sa entertainment at enjoyment na naramdaman ko sa panonood.
Maganda ang istorya ng Mulan na bibigyan ng highlight ang pagiging matapang, matapat, at totoo ng isang tao kahit na ano man ang kasarian nito. Gayun din na nabigyang importansya ang pagmamahal at paggalang sa pamilya at ang pagrespeto sa karangalan at dignidad ng iyong sarili. Nakulangan lang ako sa mga supporting characters na sana ay binigyan pa ng ibang dimensyon ang role. Ang lahat ng pokus ng kuwento ay napunta sa bida na ang mga taong nasa paligid nito ay nagmistulan na lamang na palamuti.
Nagustuhan ko rin na hindi nila masyadong binigyang pansin ang love story ni Mulan pero alam nating sa buong palabas ay nandiyan lang si Kupido na umiikut-ikot. Subtle lang ang romance pero napakalakas ng spark sa pagitan nila Mulan at Chen Honghui (Yoson An) dahil na rin siguro maganda ang chemistry ng dalawa. Unang pagkikita pa lamang nila ay ramdam ko na ang kilig.
Maganda ang cinematography, maganda ang visual effects, ang color grading, props, make-up at setting, maayos din ang acting. Nakulangan lang ako sa mga action scenes. Oo nga't nakakabilib ang mga action sequences dito dahil kakaiba at bago pero halatang-halata ang special effects nito lalo na tuwing tumatalon, naglalambitin, o naglalakad sa pader ang mga karakter.
Sa aking opinyon ay maganda ang naging adaptation nila sa Mulan, hindi perpekto pero hindi rin masama. Setting the story accuracy aside at kung anumang isyu na ibinabato sa palabas ay naaliw ako sa panonood nito. Nakaramdam ako ng iba't ibang emosyon at kung magkakaroon man ito ng sequel ay aabangan ko pa rin ito.
No comments:
Post a Comment