Poster courtesy of IMP Awards © TSG Entertainment |
★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Roman Griffin Davis, Thomasin McKenzie
Genre: Comedy, Drama, War
Runtime: 1 hour, 48 minutes
Director: Taika Waititi
Writer: Taika Waititi, Christine Leunens (novel)
Production: TSG Entertainment, Piki Films, Defender Films
Country: USA, New Zealand, Czech Republic
Isang panatiko ni Adolf Hitler (Taika Waititi) ang batang si Jojo (Roman Griffin Davis) kaya naman hindi na nakapagtataka kung bakit siya naging miyembro ng Hitlerjugend o ang Hitler Youth na isang youth organization ng Nazi party sa Germany noong panahon ng World War II.
Ang pagkadisgusto ni Jojo sa mga Hudyo ay dahil sa pagkahumaling nito sa kanilang kasalukuyang lider na si Hitler. Subalit, ang pananaw niyang ito ay unti-unting magbabago nang makadaupang-palad ni Jojo si Elsa, isang dalagang Hudyo na matagal nang nagtatago sa kanilang tahanan.
Marahil ay sensitibo pa rin para sa ilan ang madilim na parte ng kasaysayan kung saan namuno ang isang tulad ni Hitler kaya matapang ang production team na nasa likod ng Jojo Rabbit upang gawin ang tulad nito sa isang genre na hindi natin inaasahan na magaan at nakakatawa.
Ang pelikula ay iikot sa mundo ng batang si Jojo, sa perspektibo ng isang inosente na madaling paikutin ng isang taong nasa mataas na posisyon. Taliwas sa masalimuot na World War II ay maganda ang ipinakitang cinematography ng palabas sa tulong na rin ng matitingkad na kulay na ginamit dito kontra sa mabigat na setting ng kuwento. Para bang gustong ipakita ng pelikula na sa kabila ng giyera at magulong mundo ay mayroon pa ring nabubuong pagkakaibigan at pagmamahalan dito.
Naipakita ng palabas kung gaano kahirap ang buhay ng isang Hudyo sa panahon ni Hitler, gayun din na sa kabila ng kasakiman ng kaniyang liderato ay mayroon pa rin namang mga taong bagaman sumusunod sa mga utos niya ay busilak pa rin ang puso. Ito ang patunay kung bakit wala sa ating lahit ang problema kundi sa mismong ugali at paniniwala ng isang tao nakaukit ang kasakiman at kabaitan.
Ang pangunahing layunin ng palabas bukod sa magbigay aral ay ang magbigay ng katatawanan na nagawa naman nito ng maayos pero titirahin ka rin ng Jojo Rabbit ng patalikod dahil sa mga nakahandang drama na parte ng pelikula na hindi mo aasahan. Kung sabagay ay isa itong war movie at kung iisipin ay totoong nangyari ang pamumuno ni Hitler at pagpatay sa mga Hudyo kaya mayroon pa rin itong dalang kirot.
Bilang pangkalahatan ay maganda ang Jojo Rabbit. Technically man o story-wise ay hindi masasayang ang oras mo sa panonood nito. Special shoutout din kay Davis na kahit bata pa ay marunong nang uamrte. Maganda ang naging tandem nila ni Waititi na isa sa mga highlight ng pelikula.
No comments:
Post a Comment