★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Iyah Mina, EJ Jallorina
Genre: Comedy, Drama
Runtime: 2 hours, 2 minutes
Director: Rod Singh
Writer: Rod Singh
Production: Cinema One Originals, ABS-CBN Film Productions, Film Development Council of the Philippines
Country: Philippines
Sa kabila ng kaniyang edad na kuwarenta ay pangarap ng transgender na si Mamu (Iyah Mina) ang magpadagdag ng dibdib upang kahit papaano ay makatulong sa kaniyang trabaho bilang isang sex worker lalo na't ang mga kasabayan niya ay 'di hamak na mas bata na sa kaniya. Subalit ang kagustuhan niyang ito ay lalayo mula sa kaniyang mga kamay nang mamatay ang kaniyang kapatid at mapunta sa kaniyang pangangalaga ang pamangkin nitong si Bona (EJ Jallorina) na tulad niya ay parte rin ng LGBTQ community.
Sa pagdating ni Bona sa buhay nila Mamu at ng nobyo nitong si Vincent (Arron Villaflor) ay masusubok ang kaniyang sipag at tatag upang mairaos ang itinuturing niyang pamilya mula sa mga pangaraw-araw nilang pangangailangan at sa kaniyang pansariling dilema.
Kung naghahanap ka ng isang makabuluhang pelikula ay marami kang makikita sa mga underrated na indie films na taun-taon ginagawa pero hindi nabibigyan ng pagkakataong makamit ang karapat-dapat na atensyon. Isa na dito ang Mamu (and a Mother Too) na bagamat walang malalaking pangalan na kasama sa naturang pelikula ay nakapagbigay pa rin ng nakaka-antig na karanasan.
Isa sa mga hinangaan ko sa palabas ay si Iyah Mina na kahit ang forte ay ang magpatawa ay naihatid niya ng maayos at maganda ang role niya bilang isang mapagmahal na ina. Gayun din si Jallorina, na kahit marami pang kailangang pagbutihin, ay malinis din namang nagampanan ang kaniyang role. Hindi nga lang gaanong nakasabay si Villaflor na isa pa naman sa mga importanteng karakter sa kuwento. May pagkakataong overacting siya at halos pasigaw ang ginagawa sa lahat ng kaniyang linya maipakita lang na galit siya. Minsan ay masakit sa tenga.
Isang sulyap sa realidad ang ipapakita ng pelikula mula sa mundo ng mga sex worker. Walang fancy love stories kundi totoong emosyon, totoong kuwento na nangyayari sa totoong buhay at marahil ay ikaka-relate ng ilan. Kuwento ito ng kahirapan at kung papaano ito nilalampasan ng isang simpleng tao. Kuwento rin ito ng isang bata at kung papaano nito nilakbay ang pagtanggap sa kaniyang seksuwalidad. Kuwento rin ito ng lalaking nagmahal at ipinaglaban ang karapatan sa kabila ng kawalan ng tiwala sa kaniya ng mga taong malalapit sa kaniya.
Maaaring maging taboo sa ilan ang tema ng palabas pero kung bubuksan natin ang ating isipan ay maraming aral ang matututunan dito katulad ng patuloy na pagpupursigi sa pag-abot ng kinabukasan kahit na tila ba tayo ay pinagsakluban na ng langit at lupa. May mga bagay na sa tingin nati'y kaya nating labanan mag-isa pero hindi natin pansin na may mga tao palang nais tayong tabihan sa pagharap ng delubyo sa buhay.
Poster courtesy of Cinema One Originals.
No comments:
Post a Comment