Search a Movie

Friday, October 9, 2020

Disconnect (2012)

7 stars of 10
★★★★★★★ ☆☆☆

Starring: Jason Bateman, Andrea Riseborough, Alexander Skarsgård
Genre: Drama
Runtime: 1 hour, 55 minutes

Director: Henry Alex Rubin
Writer: Andrew Stern
Production: LD Entertainment, Liddell Entertainment, Exclusive Media Group
Country: USA


Sa panahon kung saan papasimula pa lamang ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay iikot ang kuwento ng Disconnect sa mundo ng internet. Mayroon itong tatlong kuwento ng magkakaibang tao at kung papaano sila naapektuhan, at ang kanilang pamilya, sa kanilang paggamit ng internet.

Sa nasabing world wide web makukuha ng up-and-coming reporter na si Nina Dunham (Andrea Riseborough) ang pinapangarap niyang big break nang maisipan nitong i-cover ang kuwento ng binatilyong si Kyle (Max Thieriot) na isang chat-room stripper. Sa kabilang banda ay hindi inaasahang cyberbullying naman ang matatanggap ng estudyanteng si Ben Boyd (Jonah Bobo) matapos siyang kumagat sa fake profile na ginawa ng dalawa niyang schoolmate mula sa isang sikat na social media website. Mas lalaki naman ang lamat na namamagitan sa mag-asawang sina Cindy (Paula Patton) at Derek Hull (Alexander Skarsgård) matapos silang makaranas ng identity theft mula sa isang online support group.

Tatlong kuwento na magkakaiba subalit hindi nalalayong mangyari sa ating buhay. Maraming bagay ang napag-usapan sa pelikula pagdating sa mga negatibong aspeto na maaaring makuha sa paggamit ng internet. Ilan dito ay ang cyberbullying, scam, fraud, identity theft, online pronography, catfishing at online gambling na mga paksang matatalakay sa kabuuan ng pelikula.

Maayos ang naging storytelling ng pelikula, hindi makalat lalo na't tatlong magkakaibang kuwento ang ipinapakilala nito. Magsisimula ang palabas sa simpleng pagpapakilala sa mga karakter, susundan ng kung papaano sila napasok sa kani-kanilang problema at tatapusin sa kung papaano nila ito nalampasan. Masasabi kong relatable ang mga pangyayari dito, makatotohanan, walang romanticization na nangyari at lahat ng mga kaganapan ay nararanasan o naranasan na ng marami.

Nagustuhan ko kung papaano nila pinangasiwaan ang paglutas sa bawat problema ng karakter. Natapos ito sa positibong konklusyon na magbibigay aral sa sinumang nanonood nito. Magaling din ang bawat artistang nagsiganapan sa palabas na bagamat nag-aagawan man sila sa screen time ay nakakapagbigay pa rin ng magandang pagganap.

Overall ay mayroong maayos na kuwento ang Disconnect. Malakas ang impact nito pagdating sa pagbibigay ng aral sa mga tulad nating mahilig tumambay online. Ang naging problema ko na lang dito, para sa mga manonood na mahilig sa mga malalaking ganap, ay dito kinulang ang palabas. Mula simula hanggang katapusan, bagamat maganda naman ang istorya, ay medyo dull ang kinalabasan nito. Kumbaga sa pagkain ay masarap at malasa pero kinulang ng effort pagdating sa plating.


Poster courtesy of IMP Awards.


No comments:

Post a Comment