Search a Movie

Thursday, October 15, 2020

Jurassic World: Fallen Kingdom (2018)

4 stars of 10
★★★★ ☆☆☆☆☆☆

Starring: Chris Pratt, Bryce Dallas Howard
Genre: Sci-Fi
Runtime: 2 hours, 8 minutes

Director: J. A. Bayona
Writer: Derek Connolly, Colin Trevorrow, Michael Crichton (characters)
Production: Universal Pictures, Amblin Entertainment, Legendary Entertainment
Country: USA


Matapos ang mga pangyayari sa Jurassic World noong 2015 ay magpapatuloy ang kuwento nito sa muling pagsasama nila Owen Grady (Chris Pratt) at Claire Dearing (Bryce Dallas Howard) upang ilayo ang mga natitirang dinosaur sa naturang isla mula sa nagbabadyang pagputok ng bulkan na maaaring tumapos sa kanilang uri sa ikalawang pagkakataon.

Ito'y matapos tangghihan ng senado ang panukala na iligtas ang mga naturang hayop sa paniniwalang ito ang tanging paraan upang maitama ang pagkakamaling ginawa ni John Hammond (James Cromwell) sa pag-clone sa mga nasabing hayop na ilang libong taon nang extinct. Sa suporta ng dating business partner ni Hammond ay tutulungan nito sina Owen at Claire na makabalik sa isla at iligtas ang mga hayop mula sa kapahamakan.

Jurassic World: Fallen Kingdom, papaano ko ba ito sisimulan? Katulad ng nakasaad sa titulo nito na fallen ay bumagsak na ang Jurassic franchise. Wala na yata silang matinong kuwento na maaaring isunod dito upang magatasan pa ang kasikatan nito. Isa-isahin natin ang mga bagay na na kinainisan ko at hindi ko nagustuhan.

Una pa lamang ay bagsak na ang humor nito. Lalaking tumitili na parang babae? Hindi na ito mabenta sa panahon ngayon. Sa tinis ng boses ng karakter ay imbis na matawa ka ay maiirita ka lang lalo na't paulit-ulit mo itong maririnig sa simula ng pelikula. Pangalawa ay mayroon itong walang kuwentang istorya. Okay pa sana ang premise nito na iligtas ang mga dinosaur mula sa isla pero ang kuwentong sumunod pagkatapos nito ay ang siyang humila sa pelikula papunta sa kailaliman. Aasahan mong pawang propesyunal ang mga bida pero pagdating sa pagharap ng mga bagay na dapat ay nakasanayan na nila ay bigla silang nawawalan ng  survival instincts, nawawalan ng utak in general.

Walang chemistry ang mga bida. Wala nang spark sina Owen at Claire pero sabagay sa simula pa lang ng palabas ay hindi na talaga sila magkakaroon ng spark dahil hindi naman sila nag-effort na bumuo nito. Walang ring kuwenta ang mga supporting characters na dumagdag lang sa kalat ng palabas. Mawawalan ka ng pakialam sa kanila kahit na hindi na sila magpakita pa para sa mga susunod na eksena dahil wala naman silang importansya sa kwuento.

Ang tanging naging saving grace na lang ng pelikula ay ang kahit papaano'y maayos na visual effects nito. Visually ay nakakamangha ang ginawa nila dito lalo na sa eksena sa isla na apocalyptic ang dating pero sa parehong pagkakataon ay makikita mo ang ganda nito na maaari mong tawaging beautiful disaster. Nagustuhan ko rin ang attention to detail na inilaan nila pagdating sa mga dinosaurs.

Parang ispageti na bumaba nang bumaba ang nangyari sa Jurassic World 2. Para silang tumalon sa tulay, nagsimulang lumipad subalit mabilis ding bumulusok paibaba. Nag-iwan ng mapait na lasa para sa aking pananaw ang naging katapusan ng palabas lalo na't para bang ipinapakita nilang mas malaki ang importansya ng mga cloned dinosaurs kumpara sa sangkatauhan. At hanggang ngayon ay tinatanong ko pa rin ang sarili ko kung papaano nila napagkasya ang mga dambuhalang hayop sa isang mansyon? Nagmistulang isang action movie ang ikalawang parte ng Jurassic World, taliwas sa naunang adventure-thriller.


Poster courtesy of IMP Awards.


No comments:

Post a Comment