★★★★★ ☆☆☆☆☆
Starring: Gerard Butler, Morgan Freeman
Genre: Action
Runtime: 2 hours, 1 minute
Director: Ric Roman Waugh
Writer: Robert Mark Kamen, Matt Cook, Ric Roman Waugh
Production: Millennium Films, G-BASE, Campbell Grobman Films
Country: USA
Ang Angel Has Fallen na ang ikatlo sa Fallen film series matapos ang Olympus Has Fallen (2013) at London Has Fallen (2016). Sa pagkakataong ito ay ang bidang si Mike Banning (Gerard Butler) naman ang babagsak na ibang-iba kumpara sa mga kuwento ng nauna nitong pelikula.
Isang attempted assassination laban sa pangulo ng United States na si President Allan Trumbull (Morgan Freeman) ang kahaharapin ng buong team ni Banning kung saan, sa hindi na mabilang na pagkakataon, ay muli na naman niyang ililigtas ang buhay ng presidente. Subalit ang kagitingang ito ni Banning ay mababahiran ng kontrobersya nang sa buong team nito, ni isa ay walang nakaligtas mula sa naturang ambush maliban sa kaniya.
Magiging numero unong suspek si Banning sa naturang assassination at kukumpirmahin ito ng kaniyang DNA na itinanim mula sa sasakyang ginamit ng mga assassin. Huli na nang mapagtangto ni Banning na na-set up siya at sa kaniya ibinabato ang sisi. Bago pa man siya hatulan ng buong mundo at habang nagtatago mula sa batas ay susubukan nitong hanapin ang mga taong nasa likod ng sumisira sa kaniyang pangalan.
Maliban sa paghihiganti, pagsalba sa mga mahal sa buhay na kinuha ng masasamang tao, itong set-up o framed story ang isa na sa mga pinakagamit na gamit nang plotline pagdating sa mga pelikulang aksyon. Hindi nakaligtas dito ang ikatlong installment ng Fallen series na nakakadismaya dahil sa ganitong kuwento nauwi ang naturang trilogy.
Sa simula pa lang ay alam mo nang mayroong kakaiba sa sitwasyon ni Banning, may maamoy ka na kumbaga pero tila ba hindi gumagamit ng utak ang mga FBI sa mundong ito kaya nakakawalang gana manood. Hindi lang ang FBI kundi maging ang presidential security na para bang kinulang sa bilang at kung kailan kailangan ay biglang nawawala na matagal ko nang isyu simula pa lamang sa unang installment ng trilogy na ito.
Lahat ng pangyayari dito sa pelikula, kung papaano ang magiging takbo nito at kung papaano ito magwawakas ay sobrang predictable na. Maging kung sino ang kontrabida na nasa likod ng lahat ng set-up na ito ay halata na masyado kaya wala nang punto ito upang magkaroon pa ng thrill. Ang aabangan mo na lang siguro dito ay ang mga maaksyong ganap na wala naman gaanong bago at hindi na katulad ng dati. Ngayon ay bilang na lang ang mga ganap dahil na rin sa edad ng bida.
Nakakalungkot na ganito na lamang ang kinauwian ng naturang trilogy na nagustuhan ko pa naman sa mga naunang pelikula. Wala ka nang bago at kakaibang mapapanood pa rito kundi ang recycled nang plot na ginamit ng ng mga nagdaang action movies. Nangyari na 'yan kay John Wick at sa iba pang maraming iconic action characters. Mabuti na lang at magaling ang ipinamalas dito ni Freeman na pag-arte kahit na wala siyang masyadong screentime.
Poster courtesy of IMP Awards.
No comments:
Post a Comment