★★★★★★★★ ☆☆
Starring: Samara Weaving, Adam Brody, Mark O'Brien
Genre: Comedy, Mystery, Thriller
Runtime: 1 hour, 35 minutes
Director: Matt Bettinelli-Olpin, Tyler Gillett
Writer: Guy Busick, R. Christopher Murphy
Production: Mythology Entertainment, Vinson Films, Fox Searchlight Pictures
Country: USA
Para kay Grace (Samara Weaving), ang araw ng kaniyang kasal ang isa sa mga hindi niya malilimutang pangyayari sa kaniyang buhay. Ito'y dahil sa wakas ay nakahanap na siya ng pamilyang makakasama at magmamahal sa kaniya. Subalit ang hindi niya alam, bago siya tuluyang tanggapin bilang miyembro ng pamilya Le Domas ay isang tradisyon ang kinakailangan niyang malampasan. Ito ay ang manalo sa isang laro na kaniyang mapipili mula sa puzzle box na nanggaling sa lalaking nagngangalang Le Bail, ang pinaniniwalaan ng kanilang pamilya na nasa likod ng kanilang yaman.
Ang larong Hide-and-Seek ang mabubunot ni Grace na sa simula'y tatawanan lang niya. Saka lang niya mapagtatanto na sa larong ito'y buhay na niya ang nakasalalay nang ang buong angkan ng Le Domas ay hindi na simpleng naglalaro lamang bagkus ay handa na siyang patayin sa oras na siya'y mahanap mula sa kaniyang pinagtataguan.
Sa simula ay maihahambing ko sa pelikulang Get Out (2017) ang palabas na ito. Bagamat malayung-malayo ang kuwento ng dalawa sa isa't isa ay naramdaman ko ang pagkakapareho nila ng vibe kung saan ay papasukin at haharapin ng bida ang pamilya ng kaniyang sinisinta, lamang ay may iba na palang habol ang pamilya sa kaniya. Lagyan mo ng kaunting touch ng pelikulang The Purge (2013) ay ito ang maasahan mo sa Ready or Not.
Nakakamangha kung papaanong ang isang inosenteng laro ng mga bata ay mauuwi sa isang madugong taguan. Kung iyong aaralin ng mabuti ay tila ba walang kuwenta ang tradisyon ng pamilya Le Domas dahil base lang ito sa mga haka-haka at wala pang patunay. Ito ang aabangan mo sa palabas, kung may katotohanan nga ba ang kuwento sa likod ng tradisyong ito.
Nakaka-hook ang premise ng Ready or Not kahit na predictable na ang ending nito. Walang parte na mabuburyo ka dahil kung hindi ka tatakutin ay patatawanin ka naman ng ilang eksena dahil sa dala nitong dark humor. Maganda ang pagsasama ng thriller element ng pelikula at ang comedic undertone nito, swak na swak. Parang ipinapaalala lang nito sa mga manonood na huwag masyadong seryosohin ang pinapanood sa halip ay i-enjoy mo na lang ang takbo ng kuwento.
Ang nagustuhan ko pa sa palabas ay ang storytelling nito. Maraming mga katanungan at loopholes na masasagot sa pamamagitan lang nga mga subtle dialogue na hindi mo mahahagip kung hindi mo binibigyan ng atensyon ang mga usapan ng mga karakter. Dito mo makikita na pinag-isipan pa rin ang kuwento nito kahit na tila ba hindi sineryoso ang plotline.
Kung ikaw ay naghahanap ng madugong patayan na mayroong pinaghalong katatakutan, katatawanan at maging misteryo ay ito ang pelikula na para sa iyo. Hindi ka madidismaya kung gusto mong tumaas ang iyong adrenaline rush. Hindi ka rin bibiguin ng buong cast dahil mahusay ang kanilang pag-arte sa mga parte kung saan kinakailangan ang kanilang galing. Tiyak na magugustuhan mo ang magiging konklusyon ng palabas na ito. Masasabi kong isa na siguro ang Ready or Not sa mga palabas na mayroong pinaka-satisfying na katapusan. Mayroon itong literal na huling halakhak.
Poster courtesy of IMP Awards.
No comments:
Post a Comment