Search a Movie

Wednesday, October 21, 2020

Peninsula (2020)

5 stars of 10
★★★★★ ☆☆☆☆☆

Starring: Gang Dong-won, Lee Jung-hyun, Lee Ye-won, Lee Re
Genre: Action, Horror, Thriller
Runtime: 1 hour, 56 minutes

Director: Yeon Sang-ho
Writer: Park Joo-Suk, Yeon Sang-ho
Production: Next Entertainment World, RedPeter Film
Country: South Korea


Apat na taon ang lumipas matapos ang mga pangyayari sa Train to Busan (2016) ay makikita ang laki ng ipinagbago ng buhay ngayon ni Jung-seok (Gang Dong-won), isang dating South Korean military Seargent na nakatira na ngayon sa Hong Kong matapos makaligtas sa zombie apocalypse sa kanilang bansa.

Dahil sa kahirapan, kasama ang bayaw na si Chul-min (Kim Do-yoon), ay mapipilitang tanggapin ni Jung-seok ang alok na misyong bumalik sa Korean Peninsula upang hanapin ang isang food truck kung saan nakatago ang mga bag na naglalaman ng perang umaabot ng 20 million dollars. Sa kanilang pagbabalik sa dati nilang tahanan ay muling makakaharap nila Jung-seok at Chul-min ang mga zombie na sumira sa kanilang buhay gayun din ang mga survivors na kinalimutan na ng panahon.

Uunahan ko na kayo, walang kinalaman ang kuwento ng Peninsula sa 2016 Train to Busan. Kahit sabihin nilang standalone sequel ito ng Train to Busan ay huwag ka nang umasang makikita mo sa pelikulang ito ang original cast dahil madidismaya ka lang. Ang tanging koneksyon lang ng dalawang pelikula sa isa't isa ay nasa iisang mundo sila at iisang zombie apocalypse lang ang pinagdaan ng dalawang palabas. Pagdating sa kuwento ay tila ibang zombie movie na ang Peninsula at ni walang bakas ng Train to Busan. Ginamit lang nila ito para sa marketing dahil alam naman nating malakas ang naging hatak ng naunang zombie film.

Ang Peninsula ay kuwento ng isang bidang kinailangang bumalik sa dating propesyon at harapin ang kaniyang nakaraan upang makabuo ng isang istorya. Gamit na gamit na ang ganitong uri ng plotline kaya wala na itong thrill para sa akin. Wala ka nang mapapanood na bago sa palabas. Ibang-iba ang naging atake nito kumpara sa Train to Busan na nakakalungkot dahil talagang tataas ang ekspektasyon mo sa palabas lalo na't nakakabit na rito ang itinayong standard ng naunang pelikula.

Boring ang mga karakter. At some point ay naging useless pa ang bida. Mas naging aksyon ang mga kaganapan sa halip na horror at thriller. Imbis na survival laban sa mga zombie ay naging survival laban sa mga kontrabida ang main plot ng istorya. Ala Fast and the Furious zombie apocalypse version ang kinauwian ng Peninsula. Too good to be true ang mga eksena dito para sa isang bansang apat na taon nang bagsak. Hindi kapani-paniwalang puno pa ng gas ang mga sasakyan nila at sagana pa sila sa pagkain gayong itsurang pulubi na ang mga ekstra na mukhang apat na taon na ring hindi nakakatikim ng ligo.

Kung OA na para sa'yo ang mga zombies sa Train to Busan ay mas OA na naman ang mga zombies dito sa Peninsula. Nasobrahan ang make up at karamihan ay CGI na lamang. Maganda ang cinematography pero kinulang pagdating sa special effects. Damang-dama mo ang pagiging peka ng ilang elemento sa palabas sa puntong para ka nang nanonood ng pinaghalong zombie at car racing game. Ganoong level ng visual effects. Isa itong zombie movie na forgettable para sa akin dahil wala namang bago na naipakita para sa manonood.


Poster courtesy of IMP Awards.


No comments:

Post a Comment