Search a Movie

Saturday, October 24, 2020

Somebody to Love (2014)

6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Carla Abellana, Matteo Guidicelli, Iza Calzado
Gemre: Comedy, Drama, Romance
Runtime: 1 hour, 44 minutes

Director: Jose Javier Reyes
Writer: Jose Javier Reyes
Production: Regal Films
Country: Philippines


Iba't ibang tao, iba-ibang sitwayson sa buhay, magkakaiba ng estado, ng trabaho, ng pananaw at paniniwala pero lahat sila ay umiibig. Ito ang mga karakter na mapapanood mo sa Somebody to Love. Maraming bida kaya marami ka ring kuwentong pag-ibig na matutunghayan. Sa bawat karakter na iyong makikilala ay may sarili silang personalidad at paraan ng pagmamahal. May torpe, may manhid, may mag-isang umiibig at mayroong desperadong makapasok sa relasyon. Mayroon ding masokista, may playboy, may taong nakakasakal, at may taong walang tiwala sa kapareha. Maraming paksa ukol sa pag-ibig ang matatalakay dito sa palabas na kapag iisa-isahin kong ikuwento ay baka maging nobela na ang review na ito.

Star-studded ang pelikula na pinangungunahan ng mga magagaling na aktor mula sa bagong henerasyon. Bawat isa sa kanila ay may kaniya-kaniyang love story na parang sardinas na ikinasya sa kulang-kulang dalawang oras na pelikula. Dahil dito ay fast paced ang mga kuwento nito at kahit ganoon pa man ay nagawa pa rin nilang bigyan ng character development ang ilan sa mga major characters na isa sa mga nagustuhan ko.

Sa totoo lang, para sa mga taong hindi sanay sa ganitong tipo ng palabas ay sasabihin nilang makalat at magulo ang storytelling ng Somebody to Love. Patalun-talon kasi ito sa iba't ibang istorya na maaaring ikalito ng isang manonood lalo na kung hindi siya pamilyar sa mga artistang bumibida rito. Pero para sa akin ay hindi ito naging problema dahil kung ibibigay mo ang iyong buong atensyon sa mga pangyayari ay marami itong mga nakakapukaw na istorya.

Personal favorite ko ang kuwento ni Sophie (Maricar Reyes) at ang asawa nitong may kabit. Kakaunti lang ang screentime ni Reyes pero sa lahat ng kaniyang eksena ay nanakawin nito ang spotlight mula sa ibang mga kasamahan niya. Maganda siyang magbitaw ng linya at kahit na wala siyang gaanong mabibigat na eksena ay aabangan mo pa ring ang kaniyang kuwento. Nagustuhan ko rin ang kay Marga Castro (Iza Calzado) na sa simula pa lamang ay aagaw na ng atensyon mo. Bagay sa kaniya ang role niyang bida-kontrabida na hinaluan ng pagiging comic, nabigyang hustisya ito ni Calzado. Gayun din na standout rin si Isabelle Daza bilang Valeria Schulmann, katulad din ni Reyes ay wala siyang gaanong malalaking eksena subalit may kurot ang kaniyang kuwento dahil na rin sa subtle acting na ipinamalas nito.

Samantala ay nakulangan ako sa kuwento nila Sabrina Madrilejos (Carla Abellana) at Nicco (Jason Abalos) na nauwi sa hindi kagandahang ending. Ganoon din kay Sabrina at Tristan Villarama (Matteo Guidicelli) na bagamat mayroong chemistry ay pilit ang naging love story.

Overall ay mayroon namang matinong istorya ang Somebody to Love. Mabilis ang usad ng mga pangyayari pero sa dami ng mga istoryang kailangang ikuwento ay ang ilan ay tila ba minadali na lamang. Hindi pa man nabubuo ang romantic element nito ay tapos na ang istorya. Pasado rin ito pagdating sa komedya sa tulong na rin ng gamkomedyante sa cast tulad nila Kiray at Cai Bautista.


Poster courtesy of IMDb.


No comments:

Post a Comment