Search a Movie

Tuesday, February 18, 2020

Parasite (2019)

Poster courtesy of IMP Awards
© CJ Entertainment
9 stars of 10
★★★★★★★★★ ☆

Starring: Song Kang-ho, Choi Woo-shik, Park So-dam, Jang Hye-jin
Genre: Crime, Drama, Thriller
Runtime: 2 hours, 12 minutes

Director: Bong Joon-ho
Writer: Bong Joon-ho, Han Jin-won
Production: Barunson E&A, CJ E&M Film Financing & Investment Entertainment & Comics, CJ Entertainment
Country: South Korea


Masasabing nasa laylayan ang estado ng buhay ng pamilya Kim. Parehong walang trabaho ang mga magulang at walang natapos ang mga anak, ang tanging bumubuhay lamang sa kanila ay ang pagtutupi ng pizza boxes upang magkaroon ng laman tiyan.

Magkakaroon ng oportunidad na baguhin ni Kim Ki-woo (Choi Woo-shik) ang kanilang kapalaran nang lapitan siya ng kaniyang kaibigang na nangangailan ng papalit sa iiwan nitong trabaho bilang tutor sa anak ng isang mayamang pamilya.

Gamit ang ilang pekeng dokumento at sa tulong ng rekomendasyon ng kaibigan ay agad makakatuntong si Ki-woo sa kaniyang bagong trabaho. Madali nitong makakagaanan ng loob ang kaniyang mga amo hanggang sa maipasok din nito ang kapatid na si Kim Ki-jeong (Park So-dam) bilang isang pekeng arts teacher.

Ang inaasam na pag-angat ng kanilang pamilya ay biglang bubulusok pailalim nang makaharap nila ang misteryong nakatago sa bahay na kanilang pinagta-trabahuhan. Harap-harapan nilang mapapanood kung paanong ang gintong kanilang hinahabol ay dahan-dahan na magiging bato.

Kung ano man ang mga parangal, pagpupugay at kasikatan na tinatamasa ngayon ng Parasite ay karapat-dapat lamang ang natatanggap nilang ito. Masasabi kong isa ito sa mga pelikulang mayroong matalinong istorya, pinag-isipan at maingat na binuo. May saysay, may ipinapahiwatig at mayroong ipinaglalaban.

Magsisimula ito sa isang nakaka-aliw na pagpapakilala sa dalawang klase ng pamilya, isang pinagkaitan ng yaman at isang punung-puno ng kayamanan. Ang ikinaganda ng bawat karakter ay wala ni isa sa kanila ang mabait, pero wala din ni isa sa kanila ang sakim na kontrabida. Bawat isa ay mayroong kabutihan, kasamaan, pagnanasa at kagustuhan sa buhay. Ang pagiging realistic ng bawat ugali ng karakter ay siyang ikaka-relate ng bawat manonood na lalong mas nagpaganda sa pelikula.

Sa kabila ng pagiging seryoso ng kuwento ay maganda pa rin at suwabe ang pasok ng comic relief dito na hindi nasisira ang vibe na kanilang binuo. Hindi pilit, hindi rin out of the blue at higit sa lahat ay nakakatawa katulad ng mga nakasanayan nang South Korean humor.

Sa kalagitnaan ay biglang babaliktad ang istorya kung saan ay huhulihin ka sa isang mahaba at tensyonadong eksena. Kung akala ko ay tensyonado na ang climax ng Once Upon a Time... in Hollywood (2019) ay mas tensyonado pa ang mga pangyayari dito sa Parasite at ang ikinaiba nito ay build-up pa lamang ang tinutukoy ko at hindi pa dumating sa mismong climax ng istorya. Saan ka ba naman makakakita ng isang maaksyong paglulto ng ramen?

Pagdating sa technicalities, cinematography, metaphors, symbolism, sabihin mo na ang lahat at makikita mo ito sa Parasite. Ang ganda ng pagkakakuha sa bawat eksena at naipakita talaga ang napakalaking pagkakaiba ng mahirap sa mayaman. Kung gaano kaganda ang kuwento at ng production ay ganoon din ang galing ng buong cast. Kung kailan nakuha na  ng isang karakter ang iyong loob ay bigla kang maiinis sa kaniya, gayun din na ang kinaiinisan mo ay bigla mong kaaawaan. Katulad ng sinabi ko, walang bida at walang kontrabida, tanging totoong ugali ng tao ang mapapanood mo sa bawat karakter na nabigyang buhay ng maayos ng mga artistang nagsiganap.

Maniwala ka sa hype na dala ng Parasite dahil tunay na isa itong obra maestra. Kahit ilang beses mo itong panoorin ay mayroon kang bagong malalaman at matututunan. Hindi ito pretentious, hindi ito pa-woke, bagkus ay isa itong masterpiece na kailangan ipagmalaki at pangalagaan.


No comments:

Post a Comment