Search a Movie

Friday, February 7, 2020

Maleficent: Mistress of Evil (2019)

Poster courtesy of IMP Awards
© Walt Disney Pictures
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Angelina Jolie, Michelle Pfeiffer, Elle Fanning
Genre: Adventure, Family, Fantasy
Runtime: 1 hour, 59 minutes

Director: Joachim Rønning
Writer: Linda Woolverton, Noah Harpster, Micah Fitzerman-Blue, Charles Perrault (story)
Production: Jolie Pas, Roth Films, Walt Disney Pictures
Country: USA


Limang taon ang lumipas simula nang matapos ang mga kaganapan sa unang pelikula ay si Aurora (Elle Fanning) na ngayon ang namumuno bilang reyna ng Moors. Magsisimula ang bago nitong kuwento sa isang marriage proposal mula kay Prince Philip (Harris Dickinson) na tatanggapin naman ng dalaga. Subalit nang mabalitaan ni Maleficent (Angelina Jolie) ang planong pag-iisang dibdib nila Prince Philip at Aurora ay nagkaroon ito ng pag-aalinlangan, gayunpaman ay susubukan niyang suportahan ang dalawa.

Sa isang pagtitipon na inihanda ng mga magulang ni Prince Philip ay napatotohanan ni Maleficent ang nararamdaman nitong alinlangan nang mapagtanto niyang mayroong ibang pakay ng ina ni Prince Philip na si Queen Ingrith (Michelle Pfeiffer). Isang sabuwatan ang magaganap at nang gabing iyon ay muling magkakasiraan sina Aurora at Maleficent. 

Una sa lahat, hindi na bago ang kuwento ng Maleficent: Mistress of Evil. Para sa isang taong mahilig manood ng pelikula ay predictable na ang storyline nito dahil ilang beses nang ginamit ang ganitong senaryo sa ibang palabas. Isang sakim na kontrabida (Queen Ingrith) na palalabasing kontrabida ang bida (Maleficent) gamit ang isang uto-utong tao (Aurora) na malapit sa bida.

Kahit ganun pa man ay aabangan mo pa rin ang palabas dahil kay Jolie na tulad ng inaasahan ay nakapagbigay pa rin ng nakakatuwang pagsasabuhay sa iconic na karakter. Ang ganda ng rehistro niya sa screen na hinaluan pa ng magandang CGI at visual effects kaya talagang mamamangha ka sa iyong pinapanood.

Para akong nanumbalik sa pagkabata dahil bigla kong naalala ang Mulawin sa pelikulang ito. Hindi ko na ibabahagi ang rason sa kadahilanang maaaring ma-spoil ang pelikula kapag sinabi ko ang dahilan. Mabuti na lang at may mga panibagog karakter na ipinakilala ang pelikula nang sa gayon ay mas lumawak at magkaroon pa ng mga oportunidad na makabuo ng bagong kuwento kung sakali mang nais pa nila itong sundan. Dahil doon ay hindi nagmukhang generic na sabwatan at trayduran ang ikalawang kuwento ni Maleficent.

Hindi ko lang masyadong na-enjoy ang climax nito dahil maraming eksena kung saan ay nakaramdam ako ng pagkairita lalo na sa kakulangan ng paggamit ng common sense ng mga bida at higit sa lahat ay hindi nito naibigay ang satisfaction na inaabangan ko na makitang maparusahan ang mga kontrabida dahil nga ang pelikulang ito ay para rin sa mga bata.

So-so lang ang kuwento pero makikita mong pinaghandaan at ginastusan ang pelikula dahil sa magagandang visual effects at malinis na CGI. Magandang panoorin kasama ang pamilya at pamatay oras, isang klase ng pelikula na hindi na kailangang pagtrabahuhin ang utak, bagkus ang tanging gagawin mo na lang ay maupo at manood.


No comments:

Post a Comment