Search a Movie

Monday, November 12, 2018

Mamma Mia! Here We Go Again (2018)

Poster courtesy of IMP Awards
© Universal Pictures
6 stars of 10
★★★★★★ ☆☆☆☆

Starring: Amanda Seyfried, Lily James
Genre: Comedy, Musical, Romance
Runtime: 1 hour, 54 minutes

Director: Ol Parker
Writer: Ol Parker, Richard Curtis (story), Catherine Johnson (musical)
Production: Universal Pictures, Legendary Entertainment, Perfect World Pictures, Littlestar, Playtone
Country: United Kingdom, USA


Limang taon ang lumipas matapos ang mga pangyayari sa Mamma Mia! (2008), pinaghahandaan ngayon ni Sophie Sheridan (Amanda Seyfried) ang muling pagbubukas ng Hotel Bella Donna na pagmamay-ari ng namayapa nitong inang si Donna Sheridan-Carmichael (Meryl Streep).

Sa parehong pagkakataon ay ipapakita rin ng pelikula ang naging buhay ni Donna noong siya'y dalaga pa lamang at kung papaano niya nakilala ang tatlong posibleng ama ni Sophie na sina Sam Carmichael (Pierce Brosnan), Harry Bright (Colin Firth) at Bill Anderson (Stellan Skarsgård).

Sampung taon matapos ang matagumpay na pelikulang Mamma Mia! ay natuloy na din ang planong sequel nito bilang follow-up sa naging kuwento ng naunang pelikula. Isa ako sa mga na-excite sa naturang sequel dahil nagustuhan ko ang part 1 nito. Ngunit dahil yata sa excitement na ito ay masyadong tumaas ang ekspektasyon ko sa palabas. Nagkaroon ito ng maayos na kuwento ngunit kinulang ito upang maabot ang mataas na standards ko na hindi naman maiiwasan dahil sa napakagandang tatak na iniwan ng Mamma Mia.

Gusto ko ang ginawa nilang magkaibang timeline sa pagitan nila Sophie (sequel) at Donna (Lily James) na nagmistulan namang prequel. Ngunit ito rin ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng malaking pagkukulang ang kuwento nito. Walang masyadong bago sa naging istorya ni Sophie maliban sa dalawa o tatlong rebelasyon ng pelikula tungkol sa kaniya. Na maiintindihan ko sana kung ang dahilan ay mas gusto nilang mag-focus sa kuwento ng pagkabata ni Donna subalit pareho din lang naman ang kinalabasan ng kuwento nito. Maliban sa younger version ng mga karakter sa pelikula at sa history ng Bella Donna Hotel ay wala ka nang mahihita pa sa naging istorya ni Donna. Ipinakita lang ng palabas kung papaano niya nakilala sina Sam, Harry at Bill at bibitinin ka na sa kaniya-kaniyang love story ng bawat isa. Ni walang closure sa pagitan ng mga nakapareha niya.

Tila nagmamadali ang pelikula. Mararamdaman mo ang pagiging mahaba nito dahil may mga pagkakataong makakaramdam ka ng pagkaburyo habang nanonood. Sa katunayan ay hindi naman ito gaanong mahaba kumpara sa mga pelikulang pinaghandaan talaga. Karamihan sa oras nito ay kinain ng mga musical sequences na maganda naman dahil masarap pakinggang ang musical arrangements ng mga kanta. Kaso nga lang, dahil dito ay nabawasan ng pagkakataon ng pelikula na ibigay sa mga manonood ang kuwentong hinahanap nila.

Nakaka-kalma sa pakiramdam ang aesthetic nitong pastel. Ngunit may mga pagkakataong nagmumukhang sa studio kinunan ang ilan sa mga eksena nito. Minsan ay halata rin ang green screen na ginamit para sa background ng karamihan sa mga eksena. Para tuloy silang nasa ibang mundo at hindi sa lugar kung saan ito ginanap.

Nagkaroon naman ng magandang chemistry si James sa kaniyang mga nakapareha, nakulangan lang kasi ito ng push sa love story ng bawat isa. Nagmukha tuloy one night stands lang ang mga nangyari sa kung papaano nabuo ang anak nitong si Sophie na kung iisipin ay totoo naman. At speaking of James, nagkaroon naman siya ng maayos na portrayal sa karakter ni Donna na orihinal na binigyang buhay ni Streep. Kuha nito ang mga mannerisms at pagiging easy-go-lucky nito. May mga pagkakataon lang na sumusobra ang pag-arte niya at sa mga pagkakataong iyon na mapapansin mong umaarte lang talaga siya.

Story-wise ay hindi ako satisfied sa naging itorya ng Mamma Mia! Here We Go Again. Lahat ng parte ay may kulang maging ang cameo appearance ni Cher. Gayunpaman ay na-enjoy ko parin itong panoorin dahil sa mga pamilyar na karakter at bagong mukha. Ang musical aspect nito ang nagdala sa pelikula, isama na rin natin ang humor nito.


No comments:

Post a Comment