Genre: Action, Crime
Runtime: 2 hours, 11 minutes
Director: Chad Stahelski
Writer: Derek Kolstad, Shay Hatten, Chris Collins, Marc Abrams
Production: Summit Entertainment, 87Eleven, Lionsgate
Country: USA
Matapos ang kapana-panabik na cliffhanger ng John Wick: Chapter 2 ay magpapatuloy ang dilema ni John Wick (Keanu Reeves) para sa ikatlong installment. Magsisimula ito sa ilang oras na palugit ni Wick upang maghanda bago siya tuluyang maging excommunicado dahil sa kaniyang pagpaslang sa crime lord at bagong myembro ng High Table na si Santino D'Antonio.
Susubukan balikan ni Wick ang mga taong malapit sa kaniya para humingi ng tulong ngunit hindi ito naging madali dahil sa mga sunud-sunod na pagdating ng mga assassins na nais pumatay sa kaniya kapalit ng perang nakapatong sa ulo nito. Lalo pang lumala ang mga pangyayari nang parusahan ng High Table ang mga taong tumulong sa kaniya.
Sa pagnanais na maisalba ang kaniyang buhay ay kinatagpo ni Wick ang taong mas mataas pa kaysa sa High Table, ang Elder (Saïd Taghmaoui), upang humingi ng ikalawang pagkakataon na agad naman naibigay sa kaniya kapalit ng isang malaking kundisyon. Ito ay ang patayin ang kaniyang kaibigan at magtrabaho para sa Hight Table panghabang-buhay.
Isa ako sa mga napahanga ng John Wick at John Wick: Chapter 2 kaya naman inaasahan kong katulad ng dalawang naunang pelikula ay magugustuhan ko rin ang pangatlo. Mali ako. May umay factor din pala ang pagiging invincible ni Wick. Inaamin ko na maganda pa rin ang mga action sequences dito, astig at kapana-panabik subalit karamihan nito ay nakita ko na sa mga nauna niyang palabas.
Paulit-ulit na lang ang ibang banggan ng bida laban sa mga kontrabida at minsan ay masyado pang mahaba. Wala nang character development si Wick kaya naging boring na siya, gayun din ay nawala na ang pagiging misteryoso nito na siyang unang nagustuhan ko. Matapos maging excommunicado si Wick ay nabawasan na ang pagiging astig niya pero hindi naman siya naging underdog na dapat kaawaan at suportahan ng manonood. Naging plain action character na lang siya.
Maging ang mga kalaban ay one-dimensional din lang kaya walang problema kung mamatay sila at napadaan lang sa screen upang bugbugin ng bida. Boring ang mga karakter, repetitive na ang mga aksyon at madaling kalimutan ang storyline. Kung babalikan ko ang palabas, ang naging main plot lang ng pelikula ay ang pagtakas, paglaban at pagtago ni Wick.
Wala akong naging emotional investment sa pelikula. Sa totoo lang, kahit mamatay si Wick sa pelikula ay baka wala pa akong masyadong reaksyon. Kung gaano ako kasabik sa naging ending ng ikalawang pelikula, ganun naman ako nawalan ng interes sa ikatlo. Mula sa pagiging exciting ay lumagapak ang franchise sa pagiging meh.
No comments:
Post a Comment