★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Ryosuke Yamada, Kazunari Ninomiya, Masaki Suda, Maika Yamamoto
Genre: Adventure, Comedy, Sci-Fi
Runtime: 1 hour, 50 minutes
Director: Eiichirō Hasumi
Writer: Tatsuya Kanazawa, Yūsei Matsui (manga)
Production: Fuji Television Network, J Storm, Robot Communications
Country: Japan
Hindi pangkaraniwang guro si Koro-sensei (Kazunari Ninomiya) dahil hindi tulad ng normal na tao ay mayroon itong kapangyarihan. Bukod sa kakaiba nitong anyo ay kaya niyang lumipad at mayroon din siyang kakaibang liksi. Hindi rin pangkaraniwan ang E-class ng Kunugigaoka Junior High School, ang klase na kasalukuyang tinuturuan ni Koro-sensei dahil sila ang klase na itinuturing na END class o ang mga estudyanteng wala nang patutunguhan ang buhay. Kumbaga sila na ang pinakamababa sa mga mababa.
Subalit sa kabila ng mga pangungutya at maliit na tingin sa kanila ng lipunan ay isang mahalagang misyon ang ipinataw sa mga mag-aaral ng E-class at ito ay ang patayin ang kanila mismong guro bago pa man matapos ang school year. Ito'y dahil ang araw ng kanilang pagtatapos ay siya ring araw kung saan nakatakdang pasabugin ni Koro-sensei ang sanlibutan katulad ng nangyari sa buwan na sa ngayon ay mayroon na lamang trenta porsyentong natitira.
Maganda ang CGI, ito ang una kong napansin pero tila ba hindi akma ang CGI nito sa cinematography ng palabas. Para bang out-of-place si Koro-sensei na halata mong wala siya mismo sa kinaroroonan ng mga bida dahil alam mong computer-generated lang ito. Tingin ko'y isa rin sa mga dahilan kung bakit ay ang hindi kapani-paniwalang pag-arte ng mga artista sa naturang palabas.
Brutal ang konsepto ng kuwento pero nagawa pa rin nila itong family-friendly dahil tila ba naglalaro lang ang mga batang bida dahil sa mga gamit nilang pekeng armas. Maganda sa totoo lang ang istorya na maraming aral at mabuting asal na matututunan lalo na sa pag-aaral at gayun din sa pagtuturo. Magandang pelikula upang magbigay ng inspirasyon sa buhay eskwela.
Napanood ko na ang anime kung saan ito base kaya naman alam ko na kung papaano ang itatakbo ng isotrya. Marami ang nalagas, napalitan at hindi na isinama sa adaptation na ayos lang para sa akin. Ang nagustuhan ko dito ay mabilis nilang nabuo ang magandang bond sa pagitan ng mga estudyante at sa guro. Ang problema lang ay forgettable na ang ilang karakter dahil wala nang oras para ma-develop pa ang kanilang karakter. Nadismaya lang ako dahil hindi nabigyang halaga ang relasyon nila Nagisa Shiota (Ryosuke Yamada) at Karma Akabane (Masaki Suda) gayun din na hindi na nabigyang kulay pa ang mga gurong sina Tadaomi Karasuma (Kippei Shiina) at Irina Jelavić (Kang Ji-young) na isa sa mga nagustuhan ko sa animated version.
May mga kaganapang mapapatanong ako ng "bakit?" dahil sa tila ba walang saysay na desisyon ng mga karakter sa pelikula pero bilang pangkalahatan ay maayos nilang nagawa ang film adaptation na mayroon pa ring bakas mula sa original material kung saan ito nakuha. Maganda itong panimula upang makilala ang mga karakter.
No comments:
Post a Comment