★★★★★★ ☆☆☆☆
Starring: Phillip Salvador, Nora Aunor, Michael de Mesa
Genre: Drama
Runtime: 2 hours
Director: Joel Lamangan
Writer: Joel Lamangan, Enrique Ramos
Production: Heaven's Best Entertainment, Solar Pictures
Country: Philippines
Dalawang dekada na ang lumipas simula noong iwan ni Domeng (Phillip Salvador) ang kaniyang asawang si Lumen (Nora Aunor) at mga anak na sina Andy (Zanjoe Marudo), Peter (Joseph Marco) at Dolly (Sanya Lopez). Ang hindi alam ng kaniyang pamilya ay grabeng pasakit pala ang naranasan ni Domeng abroad dahilan upang mahirapan siyang makauwi sa Pilipinas.
Sa kaniyang pagbabalik ay kinakailangan niya ngayong harapin ang galit ng kaniyang asawa't mga anak upang mabuo at maibalik sa dating ang pinapangarap niyang pamilya. Sa tulong ng kaibigang si Rhey (Michael de Mesa) ay isa-isa niyang reresolbahin ang problema at kinikimkim na tampo ng bawat isa sa kaniyang mga anak pati na rin ang ng kaniyang asawang si Lumen.
Uunahin ko na ang mga nagustuhan ko sa palabas. Magaling ang mga cast, ang mga beterano pati na rin ang mga bagong henerasyon ng artista. Bawat isa sa kanila ay naibigay ng maayos ang bawat emosyon at personalidad ng karakter na kanilang isinasabuhay. Nagulat nga ako na malakas ang chemistry nila Salvador at Aunor at aaminin kong kinilig ako sa ilang eksena nilang dalawa.
Maganda rin ang ang istorya, simple lang pero hindi na bago at ginawang overdramatic para maging mabigat sa loob. Iyon nga lang ay hindi mo ramdam ang pagiging heavy drama nito dahil sa paraan ng pagkakakuwento. Masyadong pilit ang mga conflict at exaggerated ang pinanggagalingan ng galit ng mga bida. Lalo na sa mga anak na buong buhay nila ay inakala nilang patay na ang ama nila. Napaka-unfair lang na isisisi nila sa "patay" nilang ama ang mga dinaranas nila sa kasalukuyan. Kaya naman hindi ka makuha kung bakit sobra-sobra ang galit nila kay Domeng gayong wala pa silang gaanong muwang noong mawala ang tatay nila.
Isa pa sa hindi ko gaanong nagustuhan sa pelikulang ito ay masyadong agaw-eksena ang mga camera shots. Dapat ay hindi na ito napapansin ng manonood pero mukhang masyadong na-excite si Joel Lamangan at nasobrahan sa pagiging creative lalo na sa part kung saan magkausap sina Rhey at ang kaibigan nito. Sa halip na mag-focus ka sa usapan nilang dalawa ay mahihilo ka lang sa umiikot na shot ng dalawang tao na nasa screen at mas mapupunta rito ang focus mo.
Overall, maganda pa rin naman ang Isa Pang Bahaghari. Marami lang kulang pagdating sa kuwento at nasobrahan naman pagdating sa teknikal. Mabuti na lang at nabuhat ito ng buong cast. Unexpected din ang ending na tanging parte na nakaka-iyak. Kung mababaw ang luha mo, kailangan mo ng tissue sa parteng ito ng pelikula.
© Heaven's Best Entertainment, Solar Pictures
No comments:
Post a Comment