Search a Movie

Thursday, January 13, 2022

Encanto (2021)

8 stars of 10
★★★★★★★★ ☆☆

Starring: Stephanie Beatriz, María Cecilia Botero
Genre: Animation, Comedy, Family, Fantasy, Musical
Runtime: 1 hour, 42 minutes
 
Director: Jared Bush, Byron Howard
Writer: Charise Castro Smith, Jared Bush
Production: Walt Disney Pictures, Walt Disney Animation Studios
Country: USA


Iikot ang kuwento ng Encanto sa pamilya Madrigal, isang pamilya kung saan ang bawat miyembro nito ay mayroong pambihirang kapangyarihan maliban sa isa - si Mirabel (Stephanie Beatriz). Buong buhay niya ay nanatiling anino si Mirabel sa likod ng mga kapatid at pinsan nito dahil sa kawalan niya ng espesyal na regalo.

Subalit sa kabila nito, si Mirabel ang unang makakapansin sa paparating na problema sa kanilang pamilya. Dito na niya makikita ang oportunidad upang patunayan sa kaniyang pamilya na sa kabila ng kawalan niya ng kapangyarihan ay kayang-kaya niyang protektahan ang mga mahal niya sa buhay. Sa tulong ng isang propesiya mula sa hinaharap ay susubukan niyang pigilan ang naka-ambang panganib na maaaring sumira sa paraisong sinimulan ng kaniyang pamilya.

Isa ang Encanto sa mga hyped movies para sa taong 2021. Hindi na ako magtataka kung bakit dahil maliban sa pagkakaroon nito ng magandang soundtrack na mayroong Spanish influence ay maganda rin ang naging animation nito na binigyang kulay ang malawak na kultura ng Colombia. Mula sa mga karakter, ugali at maging mga maliliit na detalye tulad ng pananamit at pag-uugali ng mga tao ay ibang-iba ito sa tipikal na pelikulang inihahain ng Disney.

Hindi man naiiba ang paraan ng storytelling nito kung saan ang bida ay bibigyan ng mahalagang misyon upang iligtas ang mga mahal nito sa buhay, pero kung susuriin nating mabuti ay mayroon pang mas malalim na kahulugan ang istorya nito. Ang Encanto ay sumasalamin sa karaniwang problema na kinakaharap ng isang malaking pamilya na tiyak na ikaka-relate ng mga Pilipino dahil na rin sa pagiging malapit natin sa ating pamilya, isang tradisyon na nakuha natin mula sa kultura ng Espanya.

Ang kapangyarihan ng bawat karakter ay tila ba isang metaphor na malimit nating makita o nararanasan sa loob ng ating tahanan. Si Mirabel, ang anak na taken for granted dahil sa tila ba kawalan nito ng talento, ang kaniyang kapatid naman na si Isabela (Diane Guerrero) ay inaasahang maging perpekto sa lahat ng bagay dahil sa pagiging panganay nito, ang ikalawang kapatid na si Luisa (Jessica Darrow) na kinakailangang palaging malakas at matapang. Bawat isa sa mga karakter, kung bibigyan natin ito ng kahulugan ay mayroong kaniya-kaniyang kinakatawan sa isang pamilya na maaaring ika-relate ng sinumang manonood. Katulad na lang ni Bruno (John Leguizamo), ang misunderstood black sheep ng pamilya o ni Abuela (Maria Cecilia Botero) ang ulo ng pamilya na kailangang palaging nasusunod.

Maganda ang tinatahak na direksyon ng Disney ngayon kung saan ay hindi na lang puro fairy tale o tungkol sa pag-ibig ang kanilang inihahain kundi ay mas nag-focus na sila ngayon sa pagbibigay ng mahahalagang aral sa buhay katulad ng Encanto na bibigyang diin kung gaano kahalaga ang pamilya, pagpapatawad, pagtanggap sa kung anuman ang kakayahang meron tayo at ang pinakamahalaga sa lahat, lahat tayo ay hindi perpekto.


© Walt Disney Pictures, Walt Disney Animation Studios

No comments:

Post a Comment